HEADS UP, BOOKWORMS!
Gaganapin na sa darating na Sabado, Setyembre 14, ang book launching ng bagong nobela ni National Artist for Film and Broadcast Arts Ricky Lee na “Kalahating Bahaghari”, sa gitna ng isasagawang weeklong Manila International Book Fair (MIBF) 2024 sa SMX Convention Center.
Sa isang Facebook post, ibinahagi ng opisyal na page ni Lee na magsisimula ang kanilang book launching dakong 6:00 hanggang 8:00 ng gabi sa second floor main stage ng SMX Convention Center sa Mall of Asia Complex.
Dapat daw abangan sa book launching ang kanilang special guest celebrities na magbabasa ng excerpts at magpe-perform.
Pagkatapos ng programa, magkakaroon din ng bookselling at signing ng mga libro kasama ang national artist.
Bukod naman sa book launching, maaari ding bisitahin ang booth ni Lee sa Indie Village sa second floor para sa iba pa niyang mga libro at merchandise.
Samantala, nagpapatuloy pa rin ang pre-selling ng naturang librong “Kalahating Bahaghari,” kung saan maaari raw makakuha ng kopya na may exclusive pre-order discount, sa pamamagitan ng Shopee at Lazada.
Ang “Kalahating Bahaghari” ay umiikot sa mga danas ng LGBTQIA+ community. Ito ang ikalimang nobela ni Lee, ang mga nauna ay ang: “Para kay B”, “Si Amapola sa 65 na Kabanata,” “Bahay ni Marta,” at “Lahat ng B.”
Bukod sa “Kalahating Bahaghari,” ila-launch din ni Lee sa Sabado ang kaniyang aklat na “Kabilang sa mga Nawawala/Among the Disappeared” na isinalin sa Ingles nina National Artist for Literature Bienvenido Lumbera at Ben Medina. Sinulat daw ni Lee ang first draft ng short story ng “Kabilang sa mga Nawawala” noong 1988.
Magsisimula ang MIBF sa Miyerkules, Setyembre 11, hanggang sa Linggo, Setyembre 15.