Naghayag ng interes ang aktor na si Epy Quizon sa pagdidirek ng full length film pero kailangan daw munang may mga isaalang-alang na kondisyon.
Sa eksklusibong ulat ng Philippine Entertainment Portal (PEP) nitong Sabado, Setyembre 7, sinabi niyang handa na raw siyang gumawa ng isang buong mahabang pelikula nang tanungin siya tungkol dito.
“Oo naman, oo naman. Pero dapat tama ang project. May mga scripts ako, pero kailangan ng tamang producer, tamang project, tamang timing,” saad ni Epy.
“Yong hindi ako masyadong busy. Tapos sakto, may producer ka. Gano’n dapat ang timing mo,” aniya.
Pero taliwas umano ang magiging atake ng komedya niya sa pelikula kumpara sa uri ng komedya ng tatay niyang si Dolphy na tinaguriang “King of Comedy.”
Ayon kay Epy: “Iba ang comedy ko. My comedy is dark, very dark. Hindi siya ‘yong nakikita n’yong ginagawa namin normally nina Direk Kaizz [Eric Quizon].”
Hindi naman nakapagtataka na sa dadakuhing panahon ay makapagdirek talaga si Epy ng isang full length film dahil siya ang nag-direk ng maikling pelikulang “Bukal.” In fact, nagkaroon na ito ng special screening sa Ayala Mall Manila Bay noong Hunyo.
MAKI-BALITA: Karakter ni Epy Quizon sa 'Pulang Araw,' tribute kay Dolphy