Dalawang low pressure area (LPA) sa labas ng Philippine area of responsibility (PAR) ang binabantayan ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) ngayong Linggo, Setyembre 8, kung saan hindi raw inaalis ang posibilidad na mabuo ang mga ito bilang bagyo sa mga susunod na araw.
Sa public weather forecast ng PAGASA kaninang 4:00 ng madaling araw, inihayag ni Weather Specialist Grace Castañeda na huling namataan ang unang LPA sa east northeast ng Extreme Northern Luzon, habang ang ikalawa ay nasa silangan ng Mindanao.
“Itong dalawang LPA na ito ay hindi natin inaalis ‘yung posibilidad na maging isang bagyo sa mga susunod na araw, ngunit within 24 hours ay nananatili pong mababa pa ‘yung tsansa nito na ma-develop,” ani Castañeda.
Sa kasalukuyan ay wala naman umanong direktang epekto ang dalawang LPA sa alinmang bahagi ng bansa.
Samantala, ani Castañeda, kapag pumasok ng PAR o kahit lumapit sa northern boundery nito ang LPA sa east northeast ng Extreme Northern Luzon, posible raw nitong bahagyang hilahin ang southwest monsoon o habagat na maaaring magdulot naman ng mga pag-ulan sa kanlurang bahagi ng Northern at Central Luzon.
Dagdag ni Castañeda, maaari rin daw hatakin ng LPA sa silangan ng Mindanao ang habagat kapag lumapit sa PAR, kung saan sa ikalawang bahagi ng susunod na linggo ay magdudulot ng mataas na tsansa ng mga pag-ulan sa Western Visayas at Mindanao.
Pagdating naman sa magiging panahon sa loob ng 24 oras, inaasahan daw na magdudulot ang habagat ng maulap na kalangitan na may kalat-kalat na pag-ulan sa Ilocos Norte, Ilocos Sur, Batanes, at Babuyan Islands.
Pinag-iingat ang mga residente sa mga nasabing lugar sa posibleng pagbaha o kaya nama’y pagguho ng lupa tuwing magkakaroon ng malalakas na pag-ulan.
Bukod dito, inaasahan ding magdadala ang habagat ng medyo maulap hanggang sa maulap na kalangitan na may kasamang pulo-pulong pag-ulan o thunderstorms sa Metro Manila at mga natitirang bahagi ng Luzon.
Medyo maulap hanggang sa maulap na kalangitan may kasamang pulo-pulong pag-ulan o thunderstorms din ang inaasahang mararanasan sa mga natitirang bahagi ng bansa bunsod ng localized thunderstorms.
Posible rin daw ang pagbaha o pagguho ng lupa sa nasabing mga lugar tuwing magkakaroon ng malalakas na thunderstorms.