“See you on Monday.”
Pinatutsadahan ni Senador Joel Villanueva si dismissed Bamban, Tarlac mayor Alice Guo matapos itong payagan ng Tarlac Regional Trial Court (RTC) Branch 109 na dumalo sa pagdinig ng Senado sa Lunes, Setyembre 9.
Sa isang X post nitong Biyernes, Setyembre 6, ibinahagi ni Villanueva ang dokumento kung saan inaprubahan ng Tarlac RTC Branch 109 ang request ni Senador Risa Hontiveros na padaluhin si Guo sa Senate hearing.
“You are no celebrity! This time you have to face the music. See you on Monday. #Accountability,” giit ni Villanueva.
Matatandaang sumulat si Hontiveros sa Tarlac RTC Branch 109 upang padaluhin si Guo sa pagdinig ng Senado matapos isailalim sa kustodiya ng Philippine National Police (PNP), sa halip na sa Senado, ang pinatalsik na alkalde nang piliin niyang hindi magpiyansa sa kasong graft na isinampa laban sa kaniya kahit na “bailable” naman ito.
MAKI-BALITA: Hontiveros sa pagsailalim kay Guo sa PNP custody: 'Napaka-iregular ng mga nangyayari'
Matatandaang nitong Biyernes ng madaling araw nang makalapag sa Pilipinas si Guo pagkatapos siyang i-turn over ng Indonesia sa mga awtoridad ng bansa, sa pangunguna nina DILG Secretary Benhur Abalos at PNP Chief Rommel Marbil.
Naaresto ang pinatalsik na alkalde ng mga awtoridad ng Indonesia noong Miyerkules, Setyembre 4.
BASAHIN: Dismissed Bamban, Tarlac Mayor Alice Guo, arestado na!
Nahaharap si Guo sa contempt order at ilan pang kaso sa Pilipinas, tulad ng pagkasangkot umano niya sa Philippine Offshore Gaming Operators (POGO), bago siya tumakas ng bansa at magtungo sa Malaysia, Singapore, at panghuli nga ay sa Indonesia.