Umapela si Senador Ronald “Bato” dela Rosa kay Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na huwag nitong isara ang kaniyang utak at isipin ang mga pulis at miyembro ng Kingdom of Jesus Christ (KOJC) sa gitna ng pagtugis sa puganteng si Pastor Apollo Quiboloy.
Sa kaniyang naging pahayag sa Senado nitong Biyernes, Setyembre 7, nakiusap si Dela Rosa kay Marcos na ibalik na raw nito ang dating buhay ng mga miyembro ng KOJC at ng Philippine National Police (PNP) personnel na naghahalughog sa KOJC compound para sa pastor.
“Kung nakikinig sana si President Bongbong Marcos ngayon. I am appealing to you, Mr. President, please listen to these people. Mr. President, sana ibalik mo ang buhay ng mga taong ito to normal not only to the KOJC members but also to your policemen,” ani Dela Rosa.
“Galing pa ito sa ibang region na ilang araw na rito, walang matinong higaan, walang matinong kain, walang matinong tulog, walang matinong ligo. I am appealing to you, Mr. President. Please act on this. Huwag ninyong isara utak n’yo. Para mahuli lang si Pastor Quiboloy, you are willing to sacrifice everything,” saad pa niya.
Matatandaang noong Agosto 24, 2024 nang simulang pasukin ng nasa 2,000 Police (PNP) personnel ang compound ng Kingdom of Jesus Christ (KOJC) upang isilbi ang arrest warrant ni Quiboloy at mga kapwa-akusado nito.
MAKI-BALITA: 2,000 pulis, hinalughog KOJC compound para kay Quiboloy
Kasalukuyang nahaharap si Quiboloy sa kasong “ANTI-TRAFFICKING IN PERSONS ACT OF 2003 (RA9208 AS AMENDED BY RA 10364), REPUBLIC ACT 7610 (SPECIAL PROTECTION OF CHILDREN AGAINST ABUSE, EXPLOITATION, AND DISCRIMINATION ACT), AND CONTEMPT OF COURT.”