January 22, 2025

Home SHOWBIZ Tsika at Intriga

Biological mom ni Chloe San Jose nagsalita na; relasyon sa anak, 'di rin maganda?

Biological mom ni Chloe San Jose nagsalita na; relasyon sa anak, 'di rin maganda?
Photo courtesy: Marie San Jose via Atty. James Mark Padrones Ciudadano

Ayaw nang manahimik pa ng tunay at biological mother ng kontrobersiyal na personalidad na si Chloe San Jose, partner ni two-time Olympic gold medalist Carlos Yulo, matapos masangkot ang pribado at nananahimik na buhay dahil sa pagsabog ng mga isyung nagsasangkot naman sa kaniyang anak at sa pamilya Yulo.

Simula kasi nang pumutok ang isyung hindi bet ng pamilya ni Caloy si Chloe, lalo na ng nanay nitong si Angelica Yulo, ay hindi na matapos-tapos ang pang-iintriga sa kaniya, at nadadamay na rin ang pamilyang pinagmulan ni Chloe dahil inuungkat ng mga netizen kung sino ba ang mga nagpalaking magulang nito para magsalita nang masasakit laban naman sa mga mismong magulang at pamilya ng kaniyang partner.

KAUGNAY NA BALITA: Kilalanin: Chloe San Jose, ang babaeng tumambling sa puso ni Golden Boy Carlos Yulo

KAUGNAY NA BALITA: Angelica Yulo sa pagpuna sa jowa ng anak: 'Ina lang ako na nag-aalala'

Tsika at Intriga

Marc Nelson, nagsalita matapos madawit sa legal battle nina Maggie Wilson-Victor Consunji

Kaya naman, eksklusibong nakipag-ugnayan ang real at biological mother ni Chloe San Jose na si Maria Fe San Jose o "Marie" sa Balita upang magsalita na at linawin ang mga isyung ibinabato sa kaniya at sa anak niyang si Chloe, dahil nadadamay na rin ang mga menor de edad niyang anak, sa kasalukuyan niyang pamilya ngayon. Ito ay sa pamamagitan ng kaniyang legal counsel at spokesperson na si Atty. James Mark Padrones Ciudadano, na matagal na ring kaibigan si Marie, simula pa noong 2006.

Isa-isang sinagot ng legal counsel ang mga isyung ibinabato sa kaniyang kliyente simula nang umingay ang pangalan nito, kakabit ng pag-ingay rin ng pangalan ni Caloy pati na ang sigalot sa pamilya nito.

SINO NGA BA SI MARIE AT SINO ANG NAGPALAKI KAY CHLOE?

Kasabay ng pag-ingay ng pangalan ni Chloe ay paglutang ng mga impormasyong si Chloe ay may stepmother sa kaniyang ama. Ang nanay na nagluwal naman sa kaniya ay may sarili na ring pamilya. Pinabulaanan ni Atty. Ciudadano na hindi isang Overseas Filipino Worker (OFW) o labandera ang nanay ni Chloe abroad kundi isa nang Australian citizen at nagtatrabaho sa "Aged Care Services." Hindi rin umano totoo ang mga kumalat na tsikang "nakulong" o "nakakulong" si Marie.

Photo courtesy: Marie San Jose via Atty. James Mark Ciudadano

"Chloe was born in the Philippines on March 21, 2002 and left for Australia with my client on 2013, obtained an Australian citizenship on February 2020, paliwanag ng abogado.

"My client, Marie, raised Chloe on her own, the biological father whom Chloe only met last year again after being in Australia since 2013."

"My client got married in Australia and that is the reason why Chloe and her sister were able to migrate to Australia."

ISYU NG GIRIAN NINA CHLOE AT BIOLOGICAL MOM, NAGKADEMANDAHAN PA?

Sa kabilang banda, kinumpirma ng abogado na totoo ang mga lumutang na alegasyong hindi gaanong maganda ang relasyon nina Chloe at Marie, dahil sa malaking kaibahan ng kanilang "values" at "parenting issues." Pero menor de edad pa raw kasi si Chloe noon, at tila nagkaroon ng gap sa pagitan ng parenting style ng isang Pilipino sa kinagisnang parenting style sa Australia kung saan lumaki si Chloe. Ninais daw ni Marie na panatilihin ang Filipino values at ituro ito kay Chloe, subalit tila hindi raw ito gusto ng anak. 

"It is true, even before Carlos and Chloe met, my client [Marie] and Chloe already were having a difficult relationship due to the difference of ideas regarding parenting over the then minor Chloe," saad ni Atty. Ciudadano. 

"The gap started as I said Chloe was a minor then, a few years before reaching 18 years old, she was insisting on her way, and my client retaining her Filipino values, being a protective mother and having the best interest of Chloe in mind, did not agree, consequently the frequent clash of ideas led to the gap."

Photo courtesy: Marie San Jose via Atty. James Mark Ciudadano

Ngunit kahit na nagkakasamaan ng loob ang mag-ina, itinanggi ng legal counsel na hindi umabot sa demandahan ang problema ng mag-ina. Wala umanong isinampang kaso si Chloe laban sa ina, at gayundin naman si Marie laban sa anak.

"Regarding the alleged case filed by Chloe against my client is not true, Chloe did not file any case against my client," paliwanag ng abogado.

REAKSIYON NI MARIE SA PAGKAKASANGKOT NI CHLOE SA BARDAGULAN NG PAMILYA YULO

Simula nang maisyu ang pagiging tila "kapit-tuko" raw ni Chloe kay Caloy hanggang sa makaladkad na ang pangalan nito sa hindi pagkakaunawaan ni "Golden Boy" sa kaniyang pamilya, nanahimik daw si Marie upang pangalagaan naman ang peace of mind ng kaniyang sariling pamilya.

Subalit ilang social media pages daw ang gumagawa na ng maling mga kuwento patungkol sa kaniya, na kesyo pinapalabas na masama siyang ina, at pati ang mga anak niya ngayon sa kasalukuyang mister ay nadadamay na rin.

"Marie, her mother, for the longest time decided to keep quiet to keep the peace and not be dragged into the issues, however due to the multitude of posts that contain misinformation and images of her minor children being posted online without her consent, has deeply troubled and affected her and her family emotionally," saad ni Atty. Ciudadano.

Patungkol naman sa isyung hindi raw gusto ng pamilya Yulo si Chloe para kay Caloy, hindi na raw makapagbibigay pa ng komento si Marie dahil matagal na rin silang walang interaksyon ni Chloe, at isa pa, nasa tamang edad na rin ang anak.

"We cannot comment on the matter since Chloe was already an adult during that time, and it is between Chloe and the family of Carlos Yulo, and since as mentioned above, my client had limited interaction with Chloe this past few years," aniya.

KAUGNAY NA BALITA: Carlos Yulo, pinabulaanan mga pahayag ng ina laban kay Chloe San Jose

KAUGNAY NA BALITA: Coach na malapit sa pamilya Yulo, ginisa si Chloe San Jose; naglapag ng 'resibo'

CHLOE, MAY ANAK NA RAW AT TINATAGO LANG?

Kumalat din ang tsikang may anak na raw si Chloe at itinatago lamang sa publiko, bagay na itinanggi naman ng abogado. Wala raw anak si Chloe at hindi rin ito ikinasal pa sa kahit na sino. Bagkus, ang batang lalaki sa mga kumakalat na "resibong" may anak na si Chloe at willing daw magpaka-ama si Caloy sa bata, ay nakababatang kapatid ni Chloe.

"Chloe does not have a baby as far as we know, and the picture that is spreading stating that it is Chloe’s alleged baby, is actually her younger brother," paglilinaw ng legal counsel.

Bagay na sinegundahan mismo ni Chloe matapos niyang supalpalin ang isang netizen na nagkomento sa kaniyang post na may anak na raw siya. 

"Bigyan kita ng award pag nahanap mo yung anak ko na sinasabi mo," ani Chloe. 

Sa kasalukuyan ay burado na ang komentong ito ng netizen. 

NANAY NI CHLOE, LUMALANTAD PARA SUMAWSAW SA ISYU AT MAGKA-CLOUT DIN?

Nilinaw ni Atty. Ciudadano na hindi intensyon ng kaniyang kliyente na "makisawsaw" sa alinmang isyu o intrigang kinasasangkutan ng anak, ang boyfriend nitong si Caloy, at maging ang pamilya nito. Nais lamang niyang magsalita ngayon, eksklusibo sa Balita, para matapos na ang mga haka-haka, espekulasyon, alegasyon, at pekeng balita patungkol sa kaniya.

Gusto na raw ni Marie na mapanumbalik ang kanilang pribadong buhay sa Australia.

"My client is doing this NOT for attention, money, clout or likes, but primarily to set the facts straight, so there will be no more false news about the matter, and that my client and her family can go back to living peacefully and continue on with their private life."

Photo courtesy: Marie San Jose via Atty. James Mark Ciudadano

May plano ba silang magdemanda o gumawa ng mga legal na hakbang laban sa mga nagpapakalat ng fake news, lalo na sa bloggers at vloggers na pinagkakakitaan na sila dahil sa clout?

"I can only speak for my client, but any defamatory content against my client and her family or pictures of her minor children that is posted online without her consent will be dealt with accordingly with the full force of the law," pahayag ng abogado.

Nagpadala ng kopya ng "Special Power of Attorney" o SPA si Atty. Ciudadano sa Balita upang patunayang siya ang lehitimong legal counsel at spokesperson ni Marie para linawin ang mga isyung kinasasangkutan niya at anak na si Chloe, dito sa Pilipinas.

Samantala, wala pang tugon, reaksiyon, o pahayag si Chloe patungkol dito. Bukas ang Balita sa kaniyang panig.