Kinumpirma ni Department of Interior and Local Government (DILG) Secretary Benhur Abalos nitong Sabado, Setyembre 7, na may intensyon na si Wesley Guo, kapatid ni dismissed Bamban, Tarlac mayor Alice Guo, na sumuko sa mga awtoridad.
Samantala, tumanggi naman si Abalos na magbigay ng karagdagang detalye hinggil sa kasalukuyang kinaroroonan ni Wesley.
“Okay. It’s supposed to be confidential pero sinabi nila. There is this ongoing at inaayos na rin po namin po iyan ng DILG, PNP (Philippine National Police) and the other camp,” ani Abalos.
“Kung mangyayari po ito, kumpleto na. That’s why it’s important for them na sumurender, sabihin ang totoo, huwag matakot sa kanilang buhay. We’re working on that and a lot of other things, yes,” dagdag niya.
Ayon pa sa kalihim ng DILG, hindi na siya magbibigay ng iba pang detalye dahil maaari umano itong “ma-preempt.”
“Ganito na lang iyan, let’s take it this way ‘no, na it came from him and there are some people who is now handling everything, okay? Ganoon lang munang ka-vague kasi ayaw kong maudlot ito,” ani Abalos.
“Please I beg you. Mas mabuti next time magkita tayo nandoon na ako o kasama ko sila at maaano. Importante makuha lahat ito, lahat ng mga wanted ay mahuli natin lahat ito.”
Sinabi rin ng DILG chief na nakikipag-ugnayan na ang pamahalaan ng Pilipinas sa Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) at iba pang international agencies para maaresto ang iba pang mga personalidad na sangkot sa ilegal na aktibidad ng Philippine Offshore Gaming Operators (POGOs).
Matatandaang nitong Biyernes ng madaling araw, Setyembre 6, nang makalapag sa Pilipinas si Alice pagkatapos siyang i-turn over ng Indonesia sa mga awtoridad ng bansa, sa pangunguna nina DILG Secretary Benhur Abalos at PNP Chief Rommel Marbil.
Naaresto ang pinatalsik na alkalde ng mga awtoridad ng Indonesia noong Miyerkules, Setyembre 4.
BASAHIN: Dismissed Bamban, Tarlac Mayor Alice Guo, arestado na!
Samantala, noong Agosto 22 nang mahuli ng mga awtoridad sa Indonesia ang kapatid nilang si Sheila Guo, kasama ang kaibigan daw ni Alice na si Cassandra Li Ong, at naiuwi sa Pilipinas sa araw ding iyon.
MAKI-BALITA: Mga kasama ni Alice Guo na nahuli sa Indonesia, nakabalik na sa 'Pinas!
- Raymund Antonio