Naglabas ng pahayag ang grupong Tanggol Kasaysayan (TK) sa pagbubukas ng National Teachers’ Month upang bigyang-pugay at suportahan ang laban ng mga guro.
Sa Facebook post ng TK nitong Huwebes, Setyembre 5, kinilala nila ang mga sakripisyo at kontribusyon ng sangkaguruan sa sektor ng edukasyon.
“Binibigyang pagpupugay ng Tanggol Kasaysayan (TK) ang mga guro para sa kanilang kontribusyon at sakripisyo upang magturo at tumayong inspirasyon para sa mga mag-aaral. Kabilang rito ang mga guro sa pampubliko, pribado, at mga alternatibong eskwelahan tulad ng paaralang lumad,” pahayag ng TK.
Bukod sa pagbibigay-pugay, nanindigan din ang TK para sa makataong pasahod at benepisyo ng kaguruan sa iba’t ibang panig ng bansa.
“Sinusuportahan ng TK ang pagsusulong ng P50,000 entry-level pay para sa mga guro, P30,000 para sa SG1 na mga kawani, at SG16 para sa mga instruktor sa pampublikong kolehiyo, salungat sa kuripot na P50 kada araw na umento bilang mandato ng EO 64,” anila.
Dagdag pa ng grupo: “Ipinapanawagan rin ang pagbaba ng presyo ng mga batayang bilihin at serbisyo upang matugunan ang krisis na kinakaharap ng uring manggagawa.”
Matatandaang taon-taon ay ipinagdiriwang sa Pilipinas ang National Teachers’ Month pagpatak ng Setyembre 5 upang kilalanin at parangalan ang mga guro.
Nakatakda naman itong matapos pagsapit ng Oktubre 5 na deklarado ng United Nations Educational, Scientific, and Cultural Organization (UNESCO) bilang “World Teachers’ Day.”