Ginawa raw 'fan-meet' ang isinagawang pag-aresto kay dating Mayor Alice Guo ng mga opisyales sa gobyerno, ayon kay Senador Risa Hontiveros.
Dagdag pa niya, kulang na lang daw ng red carpet. Bukod dito, tila haharap na sa Senado si Guo sa Lunes, Setyembre 9.
"Matapos nyang makipag-taguan sa batas, ginawa namang fan-meet nitong si Alice Guo ang pagkakaaresto niya. Kulang na lang, red carpet. Tingnan natin kung gaano siya ka-photogenic sa hearing sa Lunes. Unli-pictures siya doon," ani Hontiveros.
Muli ring pinaalalahanan ng senadora ang mga kawani ng gobyerno. Aniya, hindi dapat ginagawang "social event" ang pag-aresto sa isang pugante.
"Isang paalala rin sa ating mga kasamahan sa gobyerno, hindi dapat ginagawang social event ang pag-aresto sa isang puganteng sangkot sa patong-patong na kaso ng human trafficking, money laundering, fake identity, gross misconduct, illegal recruitment and detention, at corruption," ani Hontiveros.
"Pinaglaruan ni Alice Guo ang mga batas ng Pilipinas at ginamit nya ang posisyon nya para makapag-operate ang mga POGO na naging sangkot sa kidnapping, murder, human trafficking, at prostitution," dagdag pa niya.
Patutsada pa niya, "Alice Guo, the fake Filipino, will have a lot of explaining to do on Monday. Pagbabayaran niya ang pagsisinungaling niya, ang pagtago, pagtakas, at ang panloloko sa sambayanang Pilipino."
BASAHIN: Hontiveros, pinaalalahanan gov't employees: 'Si Guo ay pugante, 'di celebrity!'