Tuluyang umapaw ang isang ilog sa Barangay Candating, Arayat, Pampanga bunsod ng bagyong Enteng at hanging Habagat na pinalala pa umano ng nasirang ₱91 milyong flood control project noong Agosto 2024.
Napilitang lumikas ang nasa 28 pamilya dahil sa banta ng umapaw na ilog sa kanilang lugar.
Sa ulat ng GMA News, sinabi ni chief Jeffrey Venzon ng Arayat Municipal Disaster Risk Reduction Management Office (MDRRMO) na ang bumigay na bahagi ng sheet pile mula sa proyekto ang naging sanhi ng mabilis na pag-apaw ng ilog.
Matatandaang noong nakaraang buwan ng Agosto 2024 nang mapabalitang nasira ang parte ng nasabing milyong halagang proyekto sa flood control dahil umano sa patuloy na paglambot ng lupa dulot ng malakas na pressure ng tubig sa ilog.
KAUGNAY NA BALITA: ₱91M flood mitigation project na sinimulan nitong March 2024, nag-collapse!
Depensa ni Venzon, halos isang taon na rin nang makumpleto ang naturang flood control project.
“Tapos na nga po ‘yung project one year — after one year po ito po ang nangyari, may portion po ng sheet pile na bumigay po,” saad ni Venzon.
Samantala, dagdag pa ng ulat, bilang pansamantalang solusyon, kinumpirma ng Department of Public Works and Highways (DPWH) ang paglalagay nila ng sandbags sa gumuhong bahagi ng proyekto habang hinihintay umano ng ahensya ang panibagong disenyo sa pagkukumpuni nito.
Wala namang naitalang sugatan at nawawala sa pagragasa ng umapaw na tubig mula sa ilog.
“Nagdala po ng takot sa mga residente. We are after the safety po ng mga residente. Wala po ngayong nakatira doon, mga affected na families, po doon,” dagdag ni Venzon.
Kate Garcia