Inaasahang patuloy na makararanas ng mga pag-ulan ang malaking bahagi ng bansa ngayong Biyernes, Setyembre 6, dahil sa southwest monsoon o habagat at trough ng Super Typhoon Yagi (dating Enteng), ayon sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA).
Sa tala ng PAGASA kaninang 5:00 ng umaga, malaki ang tsansang magdudulot ang habagat ng occasional rains sa Pangasinan, Zambales, at Bataan, at ng maulap na kalangitan na may kalat-kalat na pag-ulan at thunderstorms sa Metro Manila, Cordillera Administrative Region, CALABARZON, MIMAROPA, at mga natitirang bahagi ng Ilocos Region at Central Luzon.
Inaasahan namang makararanas ng maulap na kalangitan na may kalat-kalat na pag-ulan at thunderstorms sa Batanes at Babuyan Islands dahil sa bagyong Yagi na huling namataan 825 kilometro ang layo sa kanluran ng Northern Luzon sa labas ng Philippine area of responsibility (PAR).
Pinag-iingat ang mga residente sa mga nasabing lugar sa posibleng pagbaha o kaya nama’y pagguho ng lupa tuwing magkakaroon ng malalakas na pag-ulan.
Samantala, medyo maulap hanggang sa maulap na kalangitan na may kasamang pulo-pulong pag-ulan o thunderstorms ang maaaring maranasan sa Bicol Region at mga natitirang bahagi ng Cagayan Valley dulot ng habagat.
Medyo maulap hanggang sa maulap na kalangitan may kasamang pulo-pulong pag-ulan o thunderstorms din ang inaasahang mararanasan sa mga natitirang bahagi ng bansa bunsod ng localized thunderstorms.
Posible rin daw ang pagbaha o pagguho ng lupa sa nasabing mga lugar tuwing magkakaroon ng malalakas na thunderstorms.