Iginiit ni Senador Risa Hontiveros Risa Hontiveros na napaka-iregular na umano ng mga nangyayari matapos isailalim sa kustodiya ng Philippine National Police (PNP), sa halip na sa Senado, si dismissed Bamban, Tarlac mayor Alice Guo nang piliin nitong hindi magpiyansa sa kasong graft na isinampa laban sa kaniya kahit na “bailable” naman ito.
Nitong Biyernes, Setyembre 6, nang piliin ni Guo na hindi piyansahan ang ₱180,000 para sa dalawang counts ng graft na isinampa ng Department of the Interior and Local Government (DILG).
Nangangahulugan umano itong pinili ng pinatalsik ng alkalde na maisailalim sa kustodiya ng PNP sa halip na sa Senado na naghain sa kaniya ng arrest order kamakailan.
MAKI-BALITA: Senado, naglabas na ng arrest order vs Alice Guo
Kaugnay nito, sinabi ni Hontiveros na sumulat siya sa Regional Trial Court (RTC) ng Tarlac at sa Custodial Center ng PNP upang dumalo si Guo sa pagdinig ng Senado sa darating na Lunes, Setyembre 9.
“Sa totoo lang, dapat nai-turnover na siya sa Senado pagkatapos maproseso ng NBI o PNP. Iyan ang pinag-usapan at iyan ang tamang proseso dahil sa Senado galing ang orihinal na arrest warrant laban kay Alice Guo,” giit ni Hontiveros.
“Sandiganbayan ang dapat may hawak sa graft and corruption charges laban sa high-ranking officials gaya ni Mayor Guo. Did the DILG file a deliberately watered-down case to wrest custody of the fugitive? Bakit?”
“Napaka-iregular ng mga nangyari. We will get to the bottom of who is orchestrating all this circus and wild goose chase,” dagdag niya.
Gayunpaman, ani Hontiveros, iginagalang daw niya ang husgado at inaasahang pagbibigyan sila ng korte upang maiharap si Guo sa Senado at sumagot sa kanilang katanungan para sa imbestigasyon nila hinggil sa Philippine Offshore Gaming Operators (POGO).
“Iginagalang natin ang husgado at inaasahan ko na pagbibigyan ng korte ang Senado sa aming mandato sa pagtuklas sa katotohanan sa lahat ng kontrobersya tungkol sa POGO, kay Alice Guo at sa mga tumulong sa kanya,” saad ng senadora.
Matatandaang nitong Biyernes ng madaling araw nang makalapag sa Pilipinas si Guo matapos siyang i-turn over ng Indonesia sa mga awtoridad ng bansa, sa pangunguna nina DILG Secretary Benhur Abalos at PNP Chief Rommel Marbil.
Ito ay matapos maaresto si Guo ng mga awtoridad ng Indonesia noong Miyerkules, Setyembre 4.
BASAHIN: Dismissed Bamban, Tarlac Mayor Alice Guo, arestado na!
Kasabay naman ng pag-turn over kay Guo sa mga awtoridad ng Pilipinas, kumalat sa social media ang mga larawan niya kasama ang ilang mga kawani ng pamahalaan, tulad nina Abalos at Marbil.
MAKI-BALITA: Sec. Abalos, nagpaliwanag sa larawang naka-'peace sign' si Alice Guo
MAKI-BALITA: Guo sa all-smiles pictures niya kasama gov't employees: 'Masaya akong makita sila'
Nahaharap si Guo sa contempt order at ilan pang kaso sa Pilipinas bago siya tumakas ng bansa at magtungo sa Malaysia, Singapore, at panghuli nga ay sa Indonesia.