Siniguro ng Philippine National Police (PNP) ang seguridad ni dismissed Bamban, Tarlac Mayor Alice Guo sa pagbalik nito sa Pilipinas matapos maaresto sa Indonesia.
Base sa ulat ng Manila Bulletin, sinabi ni PNP spokesperson Col. Jean Fajardo nitong Huwebes, Setyembre 5, na dadalhin si Guo sa Camp Crame sa Quezon City kapag nakabalik na siya ng bansa para sumailalim sa medical examination.
Pagkatapos nito, itu-turn over daw ang pinatalsik na alkalde sa Senado, na may hurisdiksyon sa kaniya kaugnay ng ipinalabas na warrant of arrest.
“We have a copy of the arrest warrant issued by the Senate sergeant-at-arms and this is the basis that she (Guo) would be held under police custody in the meantime. We will have to make sure first that she is in good health before the turnover,” ani Fajardo.
Nitong Huwebes ng hapon nang ma-turn over si Guo ng Indonesia sa mga awtoridad ng Pilipinas, na pinangunahan nina Department of Interior and Local Government (DILG) Benhur Abalos at PNP Chief Francisco Marbil.
MAKI-BALITA: Alice Guo, na-turn over na sa PH authorities
Ito ay matapos niyang maaresto sa Tangerang City, Jakarta, Indonesia noong Miyerkules, Setyembre 3.
MAKI-BALITA: Dismissed Bamban, Tarlac Mayor Alice Guo, arestado na!
Nahaharap si Guo sa contempt order at ilan pang kaso sa Pilipinas bago siya tumakas ng bansa at magtungo sa Malaysia, Singapore, at panghuli nga ay sa Indonesia.