January 15, 2025

Home FEATURES Human-Interest

Mga asteroid na bumabagsak sa mundo, pahiwatig ng suwerte o malas?

Mga asteroid na bumabagsak sa mundo, pahiwatig ng suwerte o malas?
Photo courtesy: Pexels

Humiling o umiling?

Hinahangaan ngayon ang mga kuha ng netizens sa asteroid na nasaksihan sa Luzon nitong Huwebes ng umaga, Setyembre 5, 2024.

Sa post ng European Space Agency (ESA) sa X, sinabi nitong dalawang asteroid ang namataan sa Luzon. Ayon pa rito ang asteroid na nasaksihan nitong umaga ng Huwebes ay ang ika-9 na beses pa lamang na namataan ang isang asteroid bago ang pagtama nito sa mundo.

“This detection is actually great news! This is only the ninth time that humankind has discovered an asteroid before it impacts Earth and is a sign of our improving planetary defense capabilities,” saad ng ESA.

Human-Interest

'National Rally for Peace,' extra income para sa ilang street vendors sa Maynila

Base sa pag-aaral, ang kahuli-hulihang mapaminsalang asteroid na tumama sa mundo ay naitala pa noong 65 milyon taon na ang nakalipas kung saan kinitil nito ang halos 70% na populasyon sa mundo kasama ang dinosaurs.

Samantala, sa tuwing may namamataang asteroid o “malatala” sa wikang Filipino, na madalas ay kilala rin sa tawag na bulalakaw, maraming tradisyonal na paniniwala ang inuugnay dito mula pa sa mga sinaunang Filipino.

Ang asteroid o malatala ay tipak ng bato mula sa kalawakan na kadalasan ay nasa orbit ng Sun at Saturn. Kapag ang mga asteroid ay nagbanggaan at nagdulot ng pagkakahati pa nito sa mas maliliit na bahagi, ito na ang tinatawag na “meteoroid.” Habang ang meteors naman o mismong bulalakaw na nagniningning sa kalangitan ay ang tawag sa meteoroid kapag ito ay nasa loob na ng atmosphere ng mundo.

Ayon kay Neil Lacson, isang applied anthropologist/social scientist, noon pa man ay malaki na ang ginagampanan ng kalangitan sa pagbuo ng paniniwala ng mga unang Pilipino. Ayon pa sa kaniya, kaya naman ang mga bituin ay itinuturing nilang diyos at dinasalan sa paniniwalang ito ay galing sa langit na maaaring tumupad sa hiling o dasal.

Samantala, may ilang paniniwala ring nabuo kung saan itinuturing na kamalasan ang mga bulalakaw at malatalang natatanaw sa kalangitan.

Sa paniniwala noon ng mga Romano, isisilang ang isang mandirigma o pinuno sa tuwing may nasasaksihan silang bulalakaw.

Pinaniniwalaan ding mga kaluluwa ang mga bulalakaw sa kalangitan mula sa paniniwala ng ilang bansa sa Europa katulad ng France, Poland at Germany.

Dito sa Pilipinas, kadalasang nakaugnay ito sa negatibong paniniwala katulad na lamang ng kalamidad, sakit at aksidente. Katulad ng paniniwala ng mga Griyego, may iba’t ibang diyos na pinaniniwalaan ang mga sinaunang Pilipino katulad ng mga diyos sa karagatan, kalangitan, kamatayan at iba pa. Ito ang dahilan kung bakit itinuturing nilang malas ang mga bulalakaw dahil simbolo raw ito ng galit mula sa kalangitan.

Ayon sa Siyensya, walang siyentipikong batayan ang mga pamahiing ito. Ang mga bulalakaw at malatala ay resulta ng aktibidad mula sa kalawakan na natatanaw sa pagpasok o di kaya’y pagbagsak nito sa mundo.

Sa kabilang banda, may ilang tao na nanatiling suwerte ang tingin dito. May ilang naniniwalang puwede raw mag-wish kapag nakakita ng bulalakaw. Katunayan, ang paghiling sa mga bulalakaw ay tila naipapasa rin lalo na sa imahinasyon mga bata. Kaya naman tila hanggang ngayon, marami pa rin ang nag-aabang at nahuhumaling sa mga bituin at sa tuwing may meteor showers.

Kate Garcia