Na-delay ang flight ni dismissed Bamban, Tarlac Mayor Alice Guo pabalik ng Pilipinas mula sa Indonesia, ayon sa opisina ni Senador Raffy Tulfo.
Base sa ulat ng ABS-CBN News, kinumpirma ng opisina ni Tulfo na mula 2:00 ng hapon nitong Huwebes, Setyembre 5, nagkaroon ng delay sa flight ni Guo mula Jakarta, Indonesia dahil “may mga kailangan pang tapusing proseso bago siya tuluyang makalipad.”
“Kasalukuyang nasa Indonesia at naka-monitor ang team ni Sen. Tulfo para antabayanan ang posible pang pagbabago o updates sa pagbalik ni Guo sa bansa,” saad ng opisina ng senador.
Nitong Huwebes nang magtungo sina Department of Interior and Local Government (DILG) Benhur Abalos at Philippine National Police (PNP) Chief Francisco Marbil sa Jakarta upang sunduin si Guo.
Matatandaang nitong Miyerkules, Setyembre 4, nang maaresto ang pinatalsik na alkalde sa Tangerang City, Jakarta, Indonesia.
Si Guo ay nahaharap sa contempt order at ilan pang kaso sa Pilipinas bago siya tumakas ng bansa at magtungo sa Malaysia, Singapore, at panghuli nga ay sa Indonesia.
MAKI-BALITA: Hontiveros, nagbabala sa tumulong kay Guo na makatakas: 'Di namin kayo tatantanan'
MAKI-BALITA: PBBM, naglabas ng pahayag tungkol sa pagkakaaresto kay Alice Guo