Hinahanap pa rin ng kaniyang pamilya ang 15-anyos na babaeng estudyante matapos hindi makauwi nang masuspinde ang klase sa Calasiao, Pangasinan noong Lunes, Setyembre 2.
Sa ulat ng GMA Regional TV nitong Miyerkules, humingi ng tulong ang pamilya ni Angeline Zara sa mga opisyal ng Barangay Doyong.
Kwento ng ama ng dalagita na si Robeth Balanquit, pumasok si Angeline noong Lunes ng umaga at humingi pa nga raw ito ng dagdag-baon para sa kanilang proyekto. Kinahapunan, dahil sa pag-ulan, sinuspinde ang klase.
Inasahan daw ni Robeth na maagang makakauwi si Angeline pero nang sumapit ang 7:00 ng gabi, nag-alala na raw sila dahil bukod sa hindi makontak ang dalagita, hindi raw sila sanay na hindi ito nagpapaalam.
Sa kuha ng CCTV mula sa barangay, namataan si Angeline na umalis ng paaralan kasama ang kaklase nito bandang 2:30 p.m. Nakita rin si Angeline na sumilong sa isang tindahan dahil umuulan nga no'ng araw na iyon.
Naglakad ulit si Angeline kasama ang kaklase sa lugar pero hindi na sila nahagip ng CCTV.
"Sana makauwi siya nang maayos. Kung may tampo siya sa amin, normal lang ['yon], dahil magulang lang kami na nagmamahal sa kaniya," panayam ni Robeth sa GMA Regional TV.
Samantala, tumutulong na rin ang kapulisan ng Calasiao Police sa paghahanap sa dalagita.
UPDATE: Nahanap si Angeline sa tulong opisyales ng Barangay Doyong.