Dahil naaresto na ng mga awtoridad sa Indonesia si dating Bamban, Tarlac Mayor Alice Guo, sinabi ni Senador Win Gatchalian na dapat managot na ito sa mga kasong isinampa laban sa alkalde.
Nitong Miyerkules, Setyembre 4, kinumpirma ng Presidential Anti-Organized Crime Commission (PAOCC) na naaresto si Guo sa Tangerang City, Jakarta, Indonesia.
BASAHIN: Dismissed Bamban, Tarlac Mayor Alice Guo, arestado na!
Nagpasalamat naman si Gatchalian sa mga awtoridad ng Indonesia at NBI sa mabilis umano nitong pagkilos na mahuli si Guo.
"Nagpapasalamat kami sa Indonesian authorities at sa NBI sa kanilang mabilis na pagkilos sa paghuli kay Gua Hua Ping (aka Alice Guo) at sa kanyang mga kasama," ani Gatchalian.
"Dahil nahuli na siya, dapat managot siya sa mga kasong isinampa laban sa kanya kagaya ng human trafficking, money laundering, quo warranto, paglabag sa utos ng Senado at iba pa. Importante na siya mismo ang managot dito sa ating bansa," dagdag pa niya.
Binanggit din ng senador ang mga prosesong pagdadaanan ng dating mayor sa oras na bumalik na ito ng Pilipinas.
"Pagkatapos ma-process siya ng NBI at BI, dapat din dalhin siya sa Senado dahil ang Senado lamang ang may outstanding arrest order laban sa kanya. Dapat din niyang sabihin kung sino-sino ang kanyang mga kasama sa mga criminal activities niya sa Bamban at sino-sino ang mga tumutulong sa kanya na nasa gobyerno. Gusto namin ng eksaktong mga pangalan para masampahan din ng kasyo ang mga iyon," ayon pa kay Gatchalian.
Matatandaang isiniwalat ni Senador Risa Hontiveros noong Agosto 19, na nakaalis na ng Pilipinas si Guo noon pang Hulyo 18, 2024, at nagtungo sa Kuala Lumpur, Malaysia.
BASAHIN: 'Sinong may kagagawan nito?' Alice Guo, nakaalis na ng 'Pinas -- Hontiveros
Matatandaan ding nauna nang nahuli ang dalawang kasama ni Guo na sina Shiela Guo at Cassandra Lee Ong noong Agosto 21.
BASAHIN: Dalawang kasama ni Alice Guo, hawak na ng Indonesian immigration office
Nakabalik naman sila ng Pilipinas noong hapon ng Agosto 22.
BASAHIN: Mga kasama ni Alice Guo na nahuli sa Indonesia, nakabalik na sa 'Pinas!