Nagbigay ng pahayag ang labor leader at dating presidential candidate na si Ka Leody De Guzman kaugnay sa girian ng UniTeam, ang electoral alliance nina Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr. at Vice President Sara Duterte.
Sa Facebook post ni De Guzman nitong Miyerkules, Setyembre 4, sinabi niya na natatabunan umano ng girian nina Duterte at Marcos ang mahahalagang isyu ng bayan.
“Natatabunan ang mga urgent na isyu ng taumbayan. Gaya ng mababang sahod sa harap na sumisirit na presyo ng mga bilihin. Isa pa ang wastong paggamit ng pondo sa flood control sa gitna ng mga climate-related disasters,” saad ni De Guzman.
Kaya naman, nanawagan siya sa publiko na igiit sa mga halal na opisyal ng gobyerno na bigyang prayoridad ang mga problema ng mamamayan.
“Igiit natin sa mga opisyal ng gobyerno na unahin ang mga suliranin ng mamamayan, hindi ang kanilang pansariling interes at ambisyon,” aniya.
Dagdag pa ni De Guzman: “Magtalo sa plataporma ng mga solusyon sa pang araw-araw na problema ng masa!”
Matatandaang sa panayam ng ABS-CBN News kay Marcos ay inamin niyang hindi na raw sila nag-uusap pa ng bise-presidente matapos nitong bitawan ang posisyon sa Department of Education (DepEd) bilang kalihim.
MAKI-BALITA: PBBM, nag-react sa pagsisisi ni VP Sara na nakiusap na iboto siya bilang pangulo