Hinangaan ng netizens ang isang babae matapos niyang iligtas ang asong iniwang nakatali sa kasagsagan ng malakas na ulan.
Sa isang barangay sa Marilao, Bulacan natagpuan ni Jane Francisco Aquino ang isang asong basang-basa habang nakatali sa labas ng gate ng isang bahay. Makikita sa mismong video na kuha ni Jane ang payat at tila nanginginig na aso.
Sa paglapit niya rito, sinubukan niya pang kausapin ang may-ari ng aso ngunit walang sumagot sa kaniya. Dito na nagdesisyon si Jane na isama pauwi ang aso na agad namang sumama sa kaniya.
Samantala, sa caption na ng naturang video, ipinagbigay-alam din ni Jane na handa niyang ibigay ang kaniyang address kung sakali mang makipag-ugnayan ang may ari ng aso o may magnais na umampon dito.
“Wala pong lumabas na tao kaya kinuha ko muna si doggy pansamantala, ibabalik ko rin po pag wala na ulan. Di po kase pwede talaga sa amin dahil may aso at pusa rin kami,” saad ni Jane sa post.
Sa karugtong ng kaniyang video, pinakain niya rin ang aso at pansamantalang binigyan ng higaan at sapin.
Hanggang ngayon, wala pang balita kung naibalik na nga ba ang aso sa may-ari o kung may umampon na nga ba rito.
Kamakailan lamang ay nagpaalala ang Philippine Animal Welfare Society (PAWS) sa publiko na huwag pabayaan ang mga pet kung sakaling lilikas mula sa pagbaha, o kaya naman, tiyaking nakasilong sila kapag umuulan.
MAKI-BALITA: Sa pananalasa ng bagyo: PAWS, nanawagang huwag pabayaan mga alagaang hayop
Kate Garcia