Kinumpirma ng Presidential Anti-Organized Crime Commission (PAOCC) na naaresto na ng awtoridad si dismissed Bamban, Tarlac Mayor Alice Guo sa Tangerang City, Jakarta, Indonesia nitong Miyerkules, Setyembre 4.
Ayon sa PAOCC, kinumpirma sa kanila ni Senior Superintendent Audie Latuour ng Indonesian Police na naaresto si Guo bandang 1:30 ng umaga.
Ayon naman sa Bureau of Immigration (BI), palipat-lipat umano ng hotel si Guo para makaiwas sa mga awtoridad. Halos dalawang araw lamang daw ang tinatagal nito kada hotel o sa iba pang lugar na pinupuntahan.
Kasalukuyang nasa kustodiya ng Indonesian Police sa Jatanras Mabes Polri ang dating alkalde.
Nakikipag-ugnayan na rin si Immigration Commissioner Norman Tansingco sa immigration authorities ng Indonesia para sa agarang pagbabalik ni Guo sa bansa.
Matatandaang isiniwalat ni Senador Risa Hontiveros noong Agosto 19, na nakaalis na ng Pilipinas si Guo noon pang Hulyo 18, 2024, at nagtungo sa Kuala Lumpur, Malaysia.
BASAHIN: 'Sinong may kagagawan nito?' Alice Guo, nakaalis na ng 'Pinas -- Hontiveros
Matatandaan ding nauna nang nahuli ang dalawang kasama ni Guo na sina Shiela Guo at Cassandra Lee Ong noong Agosto 21.
BASAHIN: Dalawang kasama ni Alice Guo, hawak na ng Indonesian immigration office
Nakabalik naman sila ng Pilipinas noong hapon ng Agosto 22.
BASAHIN: Mga kasama ni Alice Guo na nahuli sa Indonesia, nakabalik na sa 'Pinas!
---
Ito ay isang developing story