Nagbigay ng pahayag ang human rights lawyer na si Atty. Chel Diokno hinggil sa pagkakadakip kay dismissed Bamban, Tarlac Mayor Alice Guo.
Sa latest Facebook post ni Diokno nitong Miyerkules, Setyembre 4, sinabi niya na oras na raw para panagutan ni Guo ang mga reklamong kinakaharap nito.
“Ngayong nahuli na si Alice Guo, oras na para siya’y panagutin sa mga reklamong kinakaharap niya.
Dapat ding tukuyin kung paano siya nakaalis at panagutin ang mga kasabwat sa napakaraming krimen,” saad ni Diokno.
Dagdag pa niya: “Buti pa sa Indonesia, mabilis nahuhuli ang mga wanted sa batas. Ganito rin sana sa Pilipinas. Dapat hindi makapagtatago sa batas, mayaman ka man o makapangyarihan.”
Matatandaang kinumpirma ng Presidential Anti-Organized Crime Commission (PAOCC) ang pagkakaaresto kay Guo sa Tangerang City, Jakarta, Indonesia sa pareho ring petsang nabanggit sa itaas.
MAKI-BALITA: Dismissed Bamban, Tarlac Mayor Alice Guo, arestado na!