November 26, 2024

Home BALITA National

VP Sara sa mga nais mag-donate para sa OVP budget: 'Mananatili kaming tapat'

VP Sara sa mga nais mag-donate para sa OVP budget: 'Mananatili kaming tapat'
Courtesy: VP Sara Duterte/FB

Nagpasalamat si Vice President Sara Duterte sa mga naghahangad daw na mag-donate para sa budget ng Office of the Vice President (OVP), ngunit hinikayat niya ang mga itong ibigay na lamang ang kanilang mga magiging donasyon sa mga kababayang naapektuhan ng bagyong Enteng.

Sa isang pahayag nitong Martes, Setyembre 3, ipinahayag ni Duterte na nakakataba raw ng puso ang suportang natatanggap nila sa OVP.

“Maliban sa nakakataba ng puso, isa rin itong patunay ng inyong dedikasyon sa ating mga adhikain. Subalit sa pinsalang dala ng bagyong ‘Enteng’, hinihikayat namin na kung may nais kayong i-donate, nawa’y ito’y ibigay na lamang sa mga kapwa nating kababayan na kasalukuyang lubos na naapektuhan ng pag-ulan at pagbaha,” ani Duterte.

“Malaking bagay ang anumang tulong upang maibsan ang kanilang pinagdadaanan at makabangon muli,” dagdag niya.

National

‘What kind of country is this?’ VP Sara, pinuna ‘di raw pag-aksyon ng gov’t sa banta sa kaniya

Samantala, sinabi ni Duterte na mas mahalaga umanong unahin ng kanilang mga tagasuporta ang kanilang mga sarili sa gitna ng pagtaas ng mga bilihin.

“Sa kabila ng pagtaas ng presyo ng mga pagkain at iba pang pangunahing bilihin, nais rin naming ipabatid na higit na mahalaga ang unahin ninyo ang inyong mga sariling pangangailangan at ang kapakanan ng inyong pamilya. Nauunawaan namin ang mga hamon na hinaharap ng bawat isa, at naniniwala kami na ang inyong mga pinagkukunan ay mas marapat gamitin para sa inyong kapakanan sa panahon ng ganitong mga pagsubok,” ani Duterte.

“Ang inyong patuloy na suporta at tiwala sa aming mga programa ay labis naming pinahahalagahan. Mananatiling tapat ang aming Tanggapan sa paglilingkod sa inyo at sa pagtugon sa mga isyung mahalaga sa ating bansa,” saad pa niya.

Matatandaang naging ipinagpaliban ng House of Representatives ang pag-apruba sa panukalang ₱2.037-bilyong budget ng OVP para sa 2025 matapos ang personal na pagharap ni Duterte sa pagdinig ng budget hearing noong Agosto 27.

Sa naturang budget hearing noong Agosto 27, naging usap-usapan ang pagtanggi ng bise presidente na sumagot sa ilang mga katanungan ng mga mambabatas, tulad ng usapin ng ₱125 million confidential funds noong 2022 na ginastos umano sa loob ng 11 araw. Nagkainitan din sina Duterte at ACT Teacher’s party-list Rep. France Castro sa nasabing pagdinig.

MAKI-BALITA: NAGKAINITAN?! VP Sara, kinuwestiyon kung bakit nakaupo pa rin si Rep. Castro sa Kongreso

MAKI-BALITA: VP Sara, 'wag daw mag-ugaling pusit sey ni Rep. Castro

Nagtakda ang House appropriations committee ng isa pang round ng deliberasyon para sa OVP sa Setyembre 10.