December 22, 2024

Home BALITA National

Sa kabila ng pagbaha: DOH, pinag-iingat ang publiko sa leptosprirosis

Sa kabila ng pagbaha: DOH, pinag-iingat ang publiko sa leptosprirosis
MB photo by Arnold Quizol

Bunsod ng mga pagbahang nararanasan sa iba’t ibang lugar sa bansa dahil sa mga pag-ulang dulot ng bagyong Enteng, pinaalalahanan ng Department of Health (DOH) ang publiko na mag-ingat sa leptospirosis.

“Dahil sa malakas na ulan na dala ng bagyong si Enteng, pinaaalala po ng Department of Health (DOH) na mag-ingat sa Leptospirosis mula sa baha,” abiso ng DOH nitong Lunes.

Ayon sa DOH, hangga’t maaari ay dapat na iwasan ang paglusong sa baha dahil marumi ito.

Sakali naman anilang hindi maiwasang lumusong, dapat na kaagad na maghugas ng paa at magpakonsulta sa doktor o health center, kahit walang sugat o anumang nararamdaman sa katawan.

National

Romina, patuloy na kumikilos patungong Southern Kalayaan Islands

“Madumi ang tubig baha. Iwasan hanggat kaya. Hugasan ang katawan ng tubig at sabon pagkaahon. Anuman ang dahilan, basta napalusong, kahit walang sugat o nararamdaman, kumonsulta agad sa doktor o health center sa loob ng 1-2 araw,” ayon kay DOH Secretary Teodoro Herbosa.

Paalala pa ni Herbosa, mayroon pa ring antibiotic prophylaxis para maiwasan ang leptospirosis at libre lamang din anila ang konsulta at reseta nito sa government health center.

Naka price-freeze pa rin aniya ang mga gamot kasama ang Doxycycline sa mga lugar na tinamaan noon ng bagyong Carina, hanggang Setyembre 23.

Nabatid na sa pinakahuling epidemiologic data ng DOH, nakapagtala sila ng pagtaas ng mga kaso ng leptospirosis noong kasagsagan ng pananalasa ng bagyong Carina at Carina.

Hanggang nitong Agosto 17, 2024, umaabot sa kabuuang 3,785 kaso ang naitala sa buong bansa.

Ayon sa DOH, bagamat 5% lamang itong mas mataas kumpara sa 3,605 kaso na naitala sa kahalintulad na panahon noong nakaraang taon, nagbabala ang DOH na maaari pa rin itong tumaas bunsod na rin ng mga pagbahang dulot ng mga nararanasang pag-ulan.

Dagdag pa ng DOH, “From July 7-20, only 251 cases were recorded. This went up almost five times to 1,184 from July 21 to August 3 (the height of Typhoon Carina and enhanced monsoon floods). While the count has since gone down to 699 cases from August 4 to 17, DOH epidemiologists anticipate that, without proper precautions like prophylaxis, the number of cases will most likely go up again due to floods brought about by T.S. Enteng.”