Tila pabirong nagbigay ng hula si Vice President Sara Duterte kung nasaan nga ba ang puganteng si Pastor Apollo Quiboloy.
Sa panayam ng mga mamamahayag na inilabas ng News5 nitong Linggo, Setyembre 1, tinanong si Duterte kung nasaan sa tingin niya ang kinaroroonan ni Quiboloy.
“Ako, one guess kung nasaan si Pastor Quiboloy? Nasa langit,” nakangiti at tila labiring sagot ni Duterte habang itinaas ang kaniyang mga kamay at nakatingin sa langit.
Kasalukuyang nahaharap si Quiboloy sa kasong “ANTI-TRAFFICKING IN PERSONS ACT OF 2003 (RA9208 AS AMENDED BY RA 10364), REPUBLIC ACT 7610 (SPECIAL PROTECTION OF CHILDREN AGAINST ABUSE, EXPLOITATION, AND DISCRIMINATION ACT), AND CONTEMPT OF COURT.”
Matatandaang noong Agosto 24, 2024 nang simulang pasukin ng nasa 2,000 Police (PNP) personnel ang compound ng Kingdom of Jesus Christ (KOJC) upang isilbi ang arrest warrant ni Quiboloy at mga kapwa-akusado nito.
MAKI-BALITA: 2,000 pulis, hinalughog KOJC compound para kay Quiboloy
Isang araw pagkatapos noon, Agosto 25, 2024, naglabas ng pahayag si Duterte upang kondenahin ang umano’y “‘di pangkaraniwang puwersa at ‘di makatarungang pang-aabuso” ng pulisya sa mga miyembro ng KOJC.
MAKI-BALITA: Mga pulis, gumamit ba ng 'puwersa' dahil Duterte-supporter si Quiboloy? -- VP Sara
Humingi rin ng tawad ang bise presidente sa mga miyembro ng KOJC dahil hinikayat at pinakiusapan daw niya ang mga ito na iboto si Marcos noong tumatakbo pa lamang ito bilang pangulo ng bansa.
MAKI-BALITA: VP Sara, humingi ng patawad dahil nakiusap siyang iboto si PBBM noong 2022