Mataas ang tsansang maging ganap na bagyo ang binabantayang low pressure area (LPA) sa loob ng Philippine area of responsibility (PAR), ayon sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) nitong Linggo, Setyembre 1.
Sa Public Weather Forecast ng PAGASA kaninang 5:00 ng umaga, inihayag ni Weather Specialist Grace Castañeda na huling namataan ang LPA 205 kilometro ang layo sa silangan ng Borongan City, Northern Samar.
Nananatili raw na mataas ang tsansang maging bagyo ang naturang LPA sa loob ng 24 oras.
“Kapag ito ay naging ganap na bagyo ay posible po itong kumilos pa-northwestward then northward, at mananatili po ito sa karagatang silangan ng ating bansa,” ani Castañeda.
“Nakikita po nating posible itong lumapit sa silangang bahagi ng Visayas at Luzon,” dagdag niya.
Sa kasalukuyan ay nakaaapekto na rin daw ang naturang LPA sa malaking bahagi ng bansa, kasama ng southwest monsoon o habagat.
Base sa tala ng PAGASA, inaasahang magdudulot ang LPA ng maulap na kalangitan na may kalat-kalat hanggang malawakang pag-ulan at thunderstorms sa Masbate, Sorsogon, Northern Samar, Samar, Eastern Samar, at Biliran, at ng maulap na kalangitan na may kalat-kalat na pag-ulan at thunderstorms sa Caraga, Davao Region, Northern Mindanao, Quezon, at mga natitirang bahagi ng Eastern Visayas, Central Visayas, at Bicol Region.
Inaasahan din namang magdudulot ang habagat ng maulap na kalangitan na may mga kalat-kalat na pag-ulan at thunderstorms sa MIMAROPA, mga natitirang bahagi ng Visayas, at mga natitirang bahagi ng Mindanao.
Pinag-iingat ang mga residente sa mga nasabing lugar sa posibleng pagbaha o kaya nama’y pagguho ng lupa tuwing magkakaroon ng malalakas na pag-ulan.
Medyo maulap hanggang sa maulap na kalangitan na may kasamang pulo-pulong pag-ulan o thunderstorms naman ang maaaring maranasan sa Metro Manila at mga natitirang bahagi ng bansa dahil naman sa localized thunderstorms.
Posible rin daw ang pagbaha o pagguho ng lupa sa nasabing mga lugar tuwing magkakaroon ng malalakas na thunderstorms.