November 22, 2024

Home SPORTS

ALAMIN: No.1 na katangiang dapat taglayin ng isang gymnast na pang-Olympics level

ALAMIN: No.1 na katangiang dapat taglayin ng isang gymnast na pang-Olympics level

Nagbigay ng payo si two-time Olympic gold medalist Carlos Yulo sa mga taong biglang naging feeling gymnast at nais na ring pasukin ang sport na gymnastics dahil sa dami ng mga posibleng makuhang rewards at incentives kung sakaling makakopo ng gintong medalya sa mga international sports competition kagaya na lamang sa Olympics.

Si Carlos ay nagwagi ng dalawang gintong medalya para sa men's vault at men's floor exercise sa men's artistic gymnastics, na nagbukas sa kaniya ng pinto at bintana ng mga biyaya. Bukod sa incentives mula sa pamahalaan, ilang mga kompanya rin ang nagbigay sa kaniya ng rewards at pribilehiyo gaya ng cash, kotse, condo unit, lifetime access at services, at marami pang iba.

Eksklusibong natanong ng Balita si Caloy sa isinagawang media conference matapos siyang pagkalooban ng ₱5 milyon ng DigiPlus at ArenaPlus, nitong Sabado, Agosto 31, sa Cinema 11 ng Gateway Mall 2 sa Cubao, Quezon City.

Tanong kay Carlos, ano ang mensahe niya sa mga taong walang hilig o interes noon sa gymnastics subalit ngayon ay nais na ring sundan ang yapak niya?

'Pikon daw?' UAAP fan na nag-dirty finger, agaw-eksena sa San Juan Arena!

"Siyempre natutuwa po ako na gusto po nila, may nahihikayat na po na mga kabataan po na talagang gustong pumasok sa sports na gymnastics, pero kung gagawin po para sa pera po, hindi siya magiging madali. Sobrang hirap po talaga ng progress and 'yong process po habang ginagawa 'yong mga practice, malalaman n'yo po talaga 'yong resulta kapag nagko-compete na kayo."

"And yes, sa training din po talaga nate-test kung talaga bang gusto mo 'yong ginagawa mo, so advise lang po na dapat alam natin kung ano talaga 'yong purpose natin, and kung bakit natin ginagawa 'yong isang bagay," aniya.

MAKI-BALITA: Carlos, may payo sa mga biglang nagkainteres sa gymnastics dahil sa premyo

Follow-up na tanong ng Balita kay Caloy, ano naman ang pinakamahalagang katangiang dapat taglayin ng isang gymnast para makasabay sa Olympics level gaya ng ginawa niya?

Sagot ni Caloy, "Huwag po tayong matakot magkamali and sumubok ulit. Kahit saang sports po eh, hindi naman basta sa gymnastics lang, basta nasa sports ka, hindi guaranteed na mananalo ka na. Importante, para sa akin, pinanghahawakan ko lagi na, try ka lang nang try. Hindi na importante kung magkamali ka, o ma-success mo 'yong isang bagay, importante nag-try ka. Kasi kapag nakapasok ka na ng finals, 'yong finalist na 'yon lahat 'yon champion na po eh. Natitimbang lang kung sino 'yong sumusubok talaga sa mga failures or 'yong sa mga mahihirap na bagay po."

"So hayun po, huwag matakot na magkamali and sumubok lang nang sumubok," pagtatapos ni Carlos.

Matapos ni Caloy ay nagdagdag naman ng sagot si Gymnastics Association of the Philippines (GAP) President Cynthia Carrion na kasama niya sa mesa.

"What I saw in Carlos is his passion. His passion for sports and his passion for winning. You can see in his eyes and you can see in his training..." saad niya.