November 09, 2024

Home BALITA Politics

Panelo kay De Castro: 'Kung makapagsalita siya, siya nga ang pinakainutil na bise presidente'

Panelo kay De Castro: 'Kung makapagsalita siya, siya nga ang pinakainutil na bise presidente'
screenshot: Kamuning Bakery Cafe/FB, Kabayan/TeleRadyo

Pinatutsadahan ni dating presidential legal counsel Salvador Panelo si dating Bise Presidente Noli De Castro sa isang press conference nitong Sabado, Agosto 31, hinggil sa panonopla nito sa abogado ni Pastor Apollo Quiboloy. 

Kamakailan, nag-trending ang salitang "Kabayan" sa X (dating Twitter) dahil sa panonopla ni Kabayan Noli De Castro sa legal counsel ni Pastor Apollo Quiboloy na si Atty. Israelito Torreon na nakapanayam niya sa kaniyang radio program, patungkol sa patuloy na paghahanap sa pastor-founder ng Kingdom of Jesus Christ (KOJC) na nahaharap sa patong-patong na kaso.

"Patunayan ninyo, palabasin n'yo siya sa lungga, at saka kayo mag-file. Eh kahit tumatawa kayo, attorney kayo, kami pangkaraniwang tao, ang alam namin ho ang taong may kaso ay dapat lumabas at ipagtanggol ang kaniyang sarili lalo na po ang isang tao na katulad ni Pastor Quiboloy na Son of God," giit ni Kabayan.

BASAHIN: Kabayan Noli, abogado ni Quiboloy nagbardagulan: 'Palabasin n'yo siya sa lungga!'

Politics

VP Sara, sinabihan si Sen. Imee na itatapon niya katawan ni Marcos Sr. sa West Philippine Sea

Sa isang press conference nitong Sabado, pinatutsadahan ni Panelo si De Castro sa ginawang panonoopla sa abogado ni Quiboloy.

"Narinig n'yo ba 'yong interview ni Noli de Castro kahapon doon sa abogado ni [Pastor Apollo Quiboloy]? Hindi pu-puwede 'yong ganon, kapag tayo nasa media kailangan objective tayo. Halos hindi na niya pinagsalita, halos murahin na niya eh. Kung makapagsalita siya eh siya nga ang pinakainutil na bise presidente ng bansa noon. 'Di ba?" saad ni Panelo.

"Dapat maging ano sila. Dapat tatanungin mo lang siya [abogado], do not give your opinion. Unang-una, hindi ka naman abogado eh batas 'yong pinag-uusapan. Kapag hindi kayo abogado, huwag kayong pumasok sa hindi n'yo teritoryo. Tanungin n'yo lang. Masyado siyang bias," dagdag pa niya. 

Si De Castro ang ika-12 Bise Presidente ng Pilipinas. Nagsilbi siya sa ilalim ng administrasyon ni dating Pangulo Gloria Macapagal Arroyo mula Hunyo 2024 hanggang Hunyo 2010.