Kinasuhan na umano ng waiter sa isang restaurant sa Cebu ang writer-host-personality na si Jude Bacalso matapos mag-viral ang panenermon at pagpapatayo niya rito dahil sa isyu ng "misgendering."
Matatandaang naging laman ng mga balita ang umano'y panenermon ni Jude sa waiter dahil tinawag siyang "Sir."
Agad na umani ng batikos mula sa mga netizen, celebrities, at social media personalities ang nabanggit na insidente.
MAKI-BALITA: Transgender customer na nagpatayo sa waiter, tinadtad ng 'sir' at 'angkol'
Ang waiter naman ay napaulat na nakatanggap umano ng mga trabaho sa ibang bansa, kagaya ng isang supervisory position. Hindi naman tiyak kung sumang-ayon siya sa mga alok.
Nanahimik din umano ang waiter sa social media at nag-deactivate ng accounts dahil sa traumang natamo dulot ng mga nangyari.
Ilang araw matapos ulanin ng kritisismo, nagbigay ng updates si Bacalso na nag-usap na raw sila ng pamunuan ng restaurant na pinagtatrabahuhan ng waiter at humingi ng dispensa sa mga nangyari. Ngunit wala raw mismo ang waiter nang mga sandaling iyon.
MAKI-BALITA: Bacalso, 'di raw nag-demand na tumayo ang waiter na tumawag ng 'sir' sa kaniya
Nag-post din si Bacalso ng public apology sa mga nangyari.
MAKI-BALITA: Bacalso, nag-sorry sa isyu ng pagpapatayo sa waiter dahil tinawag siyang 'sir'
Subalit makalipas ang halos isang buwan, napaulat na tinuluyan ng waiter na sampahan ng kaso si Bacalso. Ang mga kaso raw unjust vexation, grave scandal, grave coercion, grave threats, at slight illegal detention.
Nakiusap din umano ang waiter na huwag siyang pangalanan.
Samantala, wala pang tugon, reaksiyon, o pahayag ang kampo ni Bacalso tungkol dito.