Naitala ng Quezon City local government ang kauna-unahang kaso ng mpox (dating monkeypox) sa lungsod, isang linggo matapos maitala ng Department of Health (DOH) ang unang kaso ng naturang sakit dito sa bansa ngayong taon.
Sa isang pahayag, sinabi ng lokal na pamahalaan na kasalukuyang naka-admit ang 37-anyos na lalaki sa San Lazaro Hospital. Nag-umpisa umano ito magkaroon ng sintomas ng mpox noong Agosto 16 at na-admit sa ospital matapos ang anim na araw.
Dagdag pa ng LGU, kinolekta ng medical personnel ang specimen ng paseyente at dinala sa Research Institute for Tropical Medicine (RITM). At noong Agosto 26, positibo sa mpox ang 37-anyos.
Batay sa inisyal na imbestigasyon mula sa Quezon City Health Department’s (QCHD) Epidemiology and Surveillance Division (QCESD), mayroong local travel history ang pasyente.
Samantala, sinabi ni QC Mayor Joy Belmonte na mahigpit nilang binabantayan ang kalagyaan ng lalaki.
"Sa ngayon, mahigpit nating binabantayan ang kalagayan ng residente. Natukoy na rin natin ang 15 contacts niya at patuloy natin silang mino-monitor,” aniya.
Kaugnay na Balita: DOH, naglabas ng bagong guidelines vs. mpox