Iginiit ni Kadamay Secretary General at Makabayan Coalition senatorial bet Mimi Doringo na mayroon umanong “cleptospirosis” si Vice President Sara Duterte.
Sa isang pahayag nitong Huwebes, Agosto 29, ipinaliwanag ni Doringo na ang tinutukoy niyang “cleptospirosis” ay ang sakit umanong nakukuha kapag lumusong ang isang tao sa “bumabahang” pera ng bayan.
"Si Inday Sara ay may cleptospirosis. Ito yung sakit na nakukuha mo pag lumusong ka sa bumabahang pera ng bayan,” giit ni Doringo.
Si Doringo ang isa sa sampung senatorial candidates ng Makabayan Coalition para sa 2025 midterm elections.
MAKI-BALITA: Makabayan Coalition, pinangalanan na kanilang 10 senatorial bets sa 2025
Samantala, ang naturang patutsada ni Doringo kay Duterte ay kasunod ng nangyaring pagdinig ng Kamara kamakailan hinggil sa ₱2.037 billion budget ng Office of the Vice President (OVP) para sa 2025.
Sa naturang pagdinig ay nagkainitan din sina Duterte at ACT Teacher’s party-list Rep. France Castro matapos magtanong ng huli tungkol sa paggamit ng naturang confidential funds ng OVP, ngunit hindi ito sinagot ng una.
MAKI-BALITA: NAGKAINITAN?! VP Sara, kinuwestiyon kung bakit nakaupo pa rin si Rep. Castro sa Kongreso
MAKI-BALITA: VP Sara, 'wag daw mag-ugaling pusit sey ni Rep. Castro
Naging mainit na usapin ang ₱125-million confidential funds ng OVP noong 2022 dahil nagastos umano ito ng opisina sa loob ng 11 araw.
MAKI-BALITA: ₱125-M confidential funds ng OVP, ginastos sa loob ng 11 araw – Quimbo
Kaugnay nito, matatandaang kamakailan lamang ay inatasan ng Commission on Audit (COA) ang OVP na ibalik ang ₱73.287 million sa naturang ₱125 million confidential funds kaugnay ng Notice of Disallowance umano nito.
Aapela naman daw ang opisina ni Duterte sa naturang Notice of Disallowance na inisyu ng COA.