Nagbigay ng suhestiyon si human rights lawyer Atty. Chel Diokno upang masolusyunan ang himutok ni Leyte 4th District Rep. Richard Gomez hinggil sa traffic.
Matatandaang sa isa nang buradong post ni Gomez nitong Huwebes, Agosto 29, iminungkahi niyang buksan na lamang sa mga motorista ang bus lane tuwing mabigat ang trapiko.
“2 hours in EDSA traffic and counting. From Makati, Ayala nasa SM Edsa pa lang ako up to now. Eh QC ang punta ko. 1 or 2 hours pa ba?!” ani Gomez.
“Ilang bus lang ang gumagamit ng bus lane, bakit hindi buksan during heavy traffic para mas lumuwag ang traffic?” saad pa niya.
MAKI-BALITA: Richard Gomez nanggigil sa traffic, pinabubuksan ang bus lane
Kaugnay nito, sinabi naman ni Diokno sa isang X post nitong Biyernes, Agosto 30, na kailangang sistematiko at makakatulong sa nakararami, lalo na sa mga komyuter, ang maging hakbang ng pamahalaan sa pagbigay-solusyon sa mabigat na daloy ng trapiko sa bansa, lalo na sa Metro Manila.
“Ang mga kalsada natin ay para sa lahat ng tao, hindi lang para sa may sasakyan. Kailangan natin ng epektibong public transport na nirerespeto ang dignidad ng mga commuter,” ani Diokno.
“Ang solusyon, dapat sistematiko at makakatulong sa nakararami–hindi lang dagdag na space para sa kotse,” saad pa niya.