Binuksan sa Senado ng isang senador ang malaking pagkakaiba ng mga pabuyang maaaring matanggap ng Pinoy Olympians kumpara sa Pinoy Paralympians.
Kamakailan nga ay inusisa ni Senate President Pro Tempore Jinggoy Estrada ang usapin sa umano’y hindi pantay na pagkilalang ibinibigay ng pamahalaan sa Pinoy Paralympians kung saan halos kalahati lamang ng mga pabuya ang kanilang maaaring matanggap.
Anong batas nga ba ang nagtatakda sa cash incentives ng mga Olympians at Paralympians?
Sa ilalim ng Republic Act No. 10699, nakasaad dito ang mga pabuyang matatanggap ng mga atletang Pilipino na bahagi ng National Team.
Olympic at Paralympic Incentives
1. Olympic Gold Medalist- ₱10,000,000
Paralympic Gold Medalist- ₱5,000,000
2. Olympic Silver Medalist- ₱5,000,000
Paralympic Silver Medalist - ₱2,500,000
3. Olympic Bronze Medalist- ₱2,000,000
Paralympic Bronze Medalist- ₱1,000,000
Malinaw din ang diperensya sa iba pang international tournaments ng mga National Athletes at Para Athletes ng bansa.
Asian Games
1. Gold Medalist- ₱ 2,000,000
Para Athletes - ₱1,000,000
2. Silver Medalist- ₱1,000,000
Para Athletes- ₱500,000
3. Bronze Medalist- ₱400,000
Para Athletes- ₱ 200,000
Bilang tugon, inihain ni Sen. Jinggoy ang Senate Bill 1442 kung saan naglalayon itong baguhin ang mga cash incentives para sa lahat ng mga atletang kakatawan sa bansa, may kapansanan man o wala.
“Our laws should treat everyone equally especially if we’re striving for the promotion of sports excellence,” giit ni Sen. Estrada
Nakabatay ang laki ng cash incentives sa uri ng kompetisyon. Halimbawa na lamang ay ang cash incentives na ibinibigay dahil sa pagsali sa Olympic kumpara sa Asian games.
Samakatuwid, ang RA 10699 ay hindi nakabase sa mga may kapansanan bagkus ay sa uri ng kompetisyon.
Matatandaang inabot ng halos 14 na taon bago magkaroon ng batas na maisama ang mga Pinoy Paralympians na makakuha ng pagkilala at incentives mula sa naunang batas sa ilalim ng RA 9064.
Ang RA 9064 kasi ang sinundang batas ng RA 10699, kung saan hindi kasama ang mga benepisyong maaaring matanggap ng Pinoy Paralympians.
Kate Garcia