Sa pagdiriwang ng “National Press Freedom Day” ngayong Biyernes, Agosto 30, halina’t mabilis na BALITAnawin ang kuwento ng buhay ng tinaguriang “Father of Philippine Journalism": si Marcelo H. Del Pilar na kilala rin bilang si Plaridel.
Base sa tala ng kasaysayan, ipinanganak si Plaridel noong Agosto 30, 1850 sa Bulakan, Bulacan.
Kilala siya bilang isang mahusay na mamamahayag, abogado, at propagandista—isang Pilipinong ginamit ang kapangyarihan ng tinta ng panulat upang magmulat.
Si Plaridel ang isa sa mga nagtatag ng Diariong Tagalog at ng La Solidaridad kung saan nagsilbi siya bilang editor-writer, commentator, at publisher.
Habang nasa Madrid, patuloy siyang lumaban para sa malayang pamamahayag at sa paglaya ng Pilipinas na noong mga panahong iyo’y sinakop ng mga Kastila.
Kasama sa mga isinulat ni Plaridel na tumatak sa kasaysayan ay ang "Dasalan at Tocsohan", isang satire hinggil sa kabaluktutan ng mga prayle, at ang "Pasióng Dapat Ipag-alab nang Puso nang Tauong Babasa,” kung saan gumamit siya ng mga sikat na sakramento bilang paglaban sa naturang mga Kastila.
Layon daw ng kaniyang mga isinulat na gisingin ang diwa ng mga Pilipino at hikayatin silang huwag matakot sa pagsasabi ng kanilang sariling mga saloobin para sa katotohanan, karapatan at kalayaan ng bawat isa.
Kaugnay nito, ayon sa ulat ng National Press Club, si Plaridel din ang nagsilang ng politikal at nasyonalistikong kahulugan ng salitang “kalayaan.” Patunay raw nito ay nang i-adopt ng rebolusyonaryong pahayagan ng Katipunan ang pangalang “kalayaan” mula sa artikulo ni Plaridel na may parehong titulo kung saan malalim niyang ipinaliwanag ang kahulugan at diwa ng naturang salita para sa kasarinlan ng bansa.
Bukod sa kaniyang pagiging mamamahayag, naging bahagi rin si Plaridel ng mga kilusan laban sa mga prayle at mga mapaniil na patakaran nito sa bansa at sa kaniyang bayan sa Bulacan.
Pumanaw siya noong Hulyo 4, 1896 sa isang ospital sa Barcelona dahil sa sakit na tuberculosis.
Bago tuluyang mamaalam, ayon sa ulat ng National Press Club, naitalang sinambit pa ni Plaridel ang katagang: “Go on and continue the campaign for the redemption and freedom of our country.”
Bilang pagbibigay-pugay sa kadakilaan ni Plaridel bilang isang mamamahayag at itinuturing na bayani ng bansa, taong 2022 nang lagdaan ni dating Pangulong Rodrigo Duterte ang Republic Act. 11699 na naglalayong ideklara ang araw ng kaniyang kapanganakan, Agosto 30, bilang “National Press Freedom Day.”
Bukod sa pagiging isang special working holiday ng araw na ito, layon din ng “National Press Freedom Day” na isulong ang mga karapatan ng bawat mamamahayag sa kasalukuyan.
Para sa malayang pamamahayag; para sa bayan. #DefendPressFreedom