Tinatayang aabot sa 11 kilo ng hinihinalang shabu ang nakumpiska ng mga awtoridad mula sa dalawang drug suspect, na miyembro umano ng malaking sindikato ng ilegal na droga sa bansa, sa isang buy-bust operation na ikinasa sa Ermita, Manila nitong Lunes ng gabi.
Batay sa ulat, ang mga suspek na kinilalang sina Jebrasul Amil, 37, ng Zambonga Del Sur at Rodel Nagal Mutia, 45, ng Bacoor, Cavite ay naaresto dakong alas-7:45 ng gabi sa buy-bust operation na ikinasa ng mga tauhan ng Special Operations Unit (SOU)- National Capital Region (NCR), Philippine Drug Enforcement Group (PDEG) sa Unit 3519 ng isang condominium building sa Ermita.
Nakumpiska mula sa mga suspek ang buy-bust money at kabuuang 11 kilo ng droga na nagkakahalaga ng ₱74.8 milyon.
Ayon sa pulisya, ang mga naarestong suspek ay mga miyembro umano ng isang malaking sindikato na nag-o-operate sa buong bansa.
Ang naturang sindikato ay binubuo ng mga Pinoy, na karamihan ay mga Muslim at ang kanilang mga superiors ay mga high-ranking Chinese nationals.
Ayon sa pulisya, ang tagumpay ng operasyon ay resulta ng kumprehensibong COPLAN at intelligence-driven efforts.
May malaking impact anila ito sa pagsugpo sa bentahan ng ilegal na droga sa bansa.
Nakapiit na ang mga suspek at mahaharap sa kasong paglabag sa Republic Act 9165 o The Compregensive Dangerous Drugs Act of 2002.