Iginiit ni Office of the Vice President (OVP) spokesperson Michael Poa na hindi iniiwasan ni Vice President Sara Duterte ang usapin ng confidential funds ng opisina nito noong 2022.
Matatandaang sa isinagawang pagdinig ng House of Representatives noong Martes, Agosto 27, nagkainitan sina Duterte at ACT Teacher’s party-list Rep. France Castro matapos magtanong ng huli tungkol sa paggamit ng confidential funds ng OVP noong 2022, ngunit hindi ito sinagot ng una.
MAKI-BALITA: NAGKAINITAN?! VP Sara, kinuwestiyon kung bakit nakaupo pa rin si Rep. Castro sa Kongreso
MAKI-BALITA: VP Sara, 'wag daw mag-ugaling pusit sey ni Rep. Castro
Kaugnay nito, sa isang panayam ng DZRH kay Poa nitong Miyerkules, Agosto 28, sinabi niyang hindi naman iniiwasan ni Duterte ang mga tanong ukol sa confidential funds, bagkus ay pino-proseso lamang umano ng Commission on Audit (COA) ang tungkol sa notice of disallowances ng OVP.
“Wala pong pag-iiwas sa parte ng ating vice president pagdating dito sa confidential funds. Ang sabi naman po niya, she is cooperating. The OVP, the entire office, has been cooperating talaga with COA. In fact, may responses na tayong ibinigay sa kanila. Tuwing hihingi sila ng supporting documents, nagbibigay rin po tayo. So we are cooperating,” ani Poa.
“But there is a process. And sa proseso na ‘yan, ayaw rin nating ma-prejudice ‘yung nagaganap na exchange between the OVP and COA pagdating dito. Kasi sabi nga natin ay hindi pa final at pwede pa tayong mag-apela. Meron pa rin tayong mga sinasagot na audit findings, so ayaw lang po nating ma-prejudice talaga lahat ng ito,” saad paniya.
Naging mainit na usapin ang ₱125-million confidential funds ng OVP noong 2022 dahil nagastos umano ito ng opisina sa loob ng 11 araw.
MAKI-BALITA: ₱125-M confidential funds ng OVP, ginastos sa loob ng 11 araw – Quimbo