Nabanggit ng legal counsel ng Kingdom of Jesus Christ (KOJC) at ni Pastor Apollo Quiboloy na si Atty. Israelito Torreon na isa sa mga dahilan kung bakit hindi pa lumalabas ang kliyente sa kaniyang pinagtataguan, ay dahil hinihintay nito ang isang "written declaration" mula kay Pangulong Ferdinand "Bongbong" Marcos, Jr.
Nagkasagutan kasi sila ng batikang mamamahayag na si Kabayan Noli De Castro sa radio program nito, nang untagin ni Kabayan si Torreon kung bakit "nagtatago sa kaniyang lungga" ang akusado at ayaw ipagtanggol ang kaniyang sarili at patunayang wala siyang kasalanan sa mga kasong nakasampa laban sa kaniya.
Nabanggit ni Torreon ang tungkol sa "written declaration" umano kay PBBM na kung sakaling lalabas na nga siya upang linisin ang pangalan niya rito sa Pilipinas, ay huwag siyang ipadala sa Amerika upang harapin naman ang mga nakaambang kaso sa kaniya roon.
"He requested lang po ang ating Presidente [Pangulong Bongbong Marcos] na magpalabas ng written declaration, mahina naman itong kaso sir eh, ang ayaw lang talaga niya, na baka ipadala siya ro'n sa United States of America na hindi pa niya na-clear 'yong pangalan niya dito."
"Kailangan niyang i-clear ang pangalan niya dito, na-dismiss na nga itong kaso na ito eh. And it is within his right to really question the finding of probable cause, ginawa nga ito nina [former] Senator [Ping] Lacson, bakit hindi niya puwede itong gawin?" saad ng legal counsel.
Sansala naman sa pagbanggit ng abogado sa ibang pangalan, "Heto na naman tayo, paulit-ulit na lang sinasabi ninyo attorney..."
Samantala, sa panayam naman ng SMNI News kay Torreon, sinabi niyang dismayado siya sa ginawang "pamamahiya" sa kaniyang on-air ni Kabayan gayundin sa buong KOJC at kay Pastor Quiboloy.
MAKI-BALITA: Kabayan Noli, abogado ni Quiboloy nagbardagulan: 'Palabasin n'yo siya sa lungga!'