“It's not the budget, but the leader.”
Kinastigo ni dating Office of the Vice President (OVP) spokesperson Barry Gutierrez ang naging pahayag ni Vice President Sara Duterte kontra sa naging budget ni dating Vice President Leni Robredo sa ilalim ng termino nito.
Matatandaang sa opening statement ni Duterte sa nangyaring pagdinig ng Kamara hinggil sa proposed ₱2.037 billion budget ng OVP para sa 2025, binuksan niyang ang mga isyu kaugnay ng kaniyang opisina, tulad ng pagkukumpara umano rito sa naging budget ni Robredo noong siya ang bise presidente ng bansa.
“It is my belief that it would be a stretch, if not absurd, to compare the budget of my immediate predecessor to the present budget proposal,” ani Duterte.
“We do not have personal knowledge as to why she did not request for a fair budget for her projects,” dagdag niya.
Nagbigay naman ng reaksyon dito si Gutierrez sa pamamagitan ng isang X post, kung saan iginiit niyang marami raw nagawa si Robredo kahit maliit lamang ang naging budget ng kaniyang opisina.
“VP Leni accomplished more with a smaller budget because: 1) she spent prudently, and 2) she inspired a tremendous amount of support from individual citizens and the private sector,” ani Gutierrez.
“Simple lesson? It's not the budget, but the leader,” saad pa niya.
Matatandaang si Robredo ang naging bise presidente mula 2016 hanggang 2022, bago maupo ni Duterte sa posisyon.
Base sa ulat ng Manila Bulletin, ang pinakamalaking budget na natanggap ng OVP sa ilalim ni Robredo ay ₱900 million, at ito ay noong 2021. Nasa ₱3.9 billion naman umano ang pinagsamang total allocation na inaprubahan para sa budget ng OVP mula 2017 hanggang 2022, kung kailan si Robredo ang bise presidente ng bansa.
Samantala, noon lamang 2023 hanggang 2024, nakatanggap daw ang OVP sa ilalim ni Duterte ng ₱4.2 billion.