Umaarangkada na nga ang bakbakan ng Philippine Basketball Association (PBA) teams ngayong season 49 ng Governor’s Cup kung saan tila sumisentro sa liga ang bagong sistema ng 4-point shot.
Bagama’t marami ang umalma at naging hati ang reaksiyon ng PBA fans at ilang team management tungkol sa 4-point shot, ay pinatutunayan naman ng ilang PBA teams na bilog nga talaga ang bola kapag tumira sa 4-point line.
KAUGNAY NA BALITA: ‘Tumira ng kuwatro, sokpa!’ Kilalanin tatlong PBA players na unang buminyag sa 4-point line
Sa opening game pa nga lang ay binigyan na ng Meralco Bolts ng mainit na patikim ang PBA community matapos maitala ang kauna-unahang 4-point shot sa liga nina Chris Banchero at Jolo Mendoza. Ito naging mitsa kung bakit hindi na nakahabol ang Magnolia Hotshots, 99-94.
Pinatunayan din ni Talk ‘N Text Tropang Giga Calvin Oftana ang bagsik ng 4-point line matapos siyang gumawa ng sariling pangalan bilang unang PBA player na nakadalawang beses tumira ng kuwatro. Pinangunahan ni Oftana ang TNT at tinambakan ang Northport, 101-95.
Hindi rin nagpahuli sina Brgy. Ginebra star Justin Brownlee na tinabla ang sarili niyang record matapos umiskor ng 51 points kontra San Miguel Beermen. Tila maituturing na come from behind win ang pagkapanalo ng Ginebra matapos magpakawala si Brownlee ng 4-points at nagawang agawin ang panalo para sa koponan, 108-102.
Sa 4-point shot din kumapit si Converge ace player Scotty Hopson nang hilahin ang 16-point deficit ng koponan kontra TNT at tapusin ang dikdikang laro, 96-95.
Kate Garcia