Inihayag ng PAGASA nitong Huwebes, Agosto 29, na wala silang inaasahang bagyo na mabubuo o papasok sa loob ng Philippine area of responsibility (PAR) hanggang sa matapos ang buwan ng Agosto, at ang southwest monsoon o habagat ang kasalukuyang nakaaapekto sa malaking bahagi ng bansa.
Kasabay nito, inanunsyo rin ng weather bureau kung ilang mga bagyo pa ang posibleng maranasan ng Pilipinas bago matapos ang taong 2024.
Sa public weather forecast ng PAGASA, inihayag ni Weather Specialist Benison Estareja na base sa Climatology and Agrometeorology Division, anim hanggang 10 bagyo ang posibleng pumasok o mabuo sa loob ng PAR hanggang sa matapos ang taong ito.
Mula sa naturang datos, narito ang mga posibleng bilang ng mga bagyo sa mga natitirang buwan ng taon:
Setyembre – 2 hanggang 3 bagyo
Oktubre – 2 hanggang 3 bagyo
Nobyembre – 1 hanggang 2 bagyo
Disyembre – 1 hanggang 2 bagyo
Matatandaang kamakailan ay inihayag ng PAGASA ang mga pangalan ng bagyo para sa 2024.
BASAHIN: PAGASA, inihayag mga pangalan ng bagyo sa 2024
Habang sinusulat ito’y apat na bagyo naman ang naitalang pumasok o nabuo sa loob ng PAR: ang bagyong Aghon, Butchoy, Carina at Dindo.
Kaugnay nito, narito ang paliwanag kung bakit nakapangalan sa tao ang pangalan ng mga bagyo.