November 26, 2024

Home BALITA National

Kabuuang kaso ng mpox sa 'Pinas, 14 na; 5 aktibong kaso--DOH

Kabuuang kaso ng mpox sa 'Pinas, 14 na; 5 aktibong kaso--DOH
Photo courtesy: WHO

Umaabot na ngayon sa lima ang bilang ng mga aktibong kaso ng mpox (dating monkeypox) na naitatala sa bansa.

Ito’y matapos na kumpirmahin ng Department of Health (DOH) nitong Miyerkules na nakapagtala pa sila ng dalawang bagong kaso ng mpox sa National Capital Region (NCR) at sa Calabarzon, na parehong mas mild na MPXV Clade II.

“DOH surveillance systems report two more confirmed mpox cases - one in Metro Manila, and another in the CaLaBaRzon region. Both have the milder MPXV clade II. Initial investigation is consistent with earlier findings of local transmission of clade II,” ayon sa DOH. “Details are being verified as to how close and intimate, skin-to-skin contact may have taken place.”

Dagdag pa ng DOH, “The total case count is now 14 since July 2022. Nine cases have long recovered since 2023. Five are active cases waiting for symptoms to resolve.”

National

Magnitude 4.5 na lindol, tumama sa Davao Occidental

Ayon sa DOH, ang mpox case 13 ay isang 26-anyos na babae mula sa NCR na nakitaan ng sintomas ng sakit simula noong Agosto 20, 2024, gaya ng rashes sa mukha at likod, na may kasamang lagnat.

Matapos na magpakonsulta, kaagad na nag-isolate sa bahay ang pasyente, at malaunan ay nakitaan pa ng mga karagdagang rashes sa kanyang pubic area, braso at katawan.  Nagkaroon rin umano siya ng sore throat at namaga ang neck lymph nodes.

“Exact circumstances of sample collection and the mechanism of close, intimate, and skin-to-skin contact are still being determined. She did not travel anytime three weeks before her symptoms started; she also did not go around even as she had symptoms,” anang DOH.

Naabisuhan na rin umano hinggil sa lagay ng pasyente ang dalawa niyang close contacts, na hindi pa naman nakikitaan ng mga sintomas ng sakit.

Samantala, ang mpox case 14 ay isang 12-anyos na lalaki mula sa Calabarzon na unang nilagnat noong Agosto 10.  Malaunan ay nagkaroon rin siya ng mga rashes sa mukha, hita, katawan at pubic area, na kumalat sa iba pang bahagi ng katawan, ubo at namaga ang mga lymph nodes sa groin area. 

Nagpakonsulta ito sa isang rural health unit at kinuhanan ng skin sample noong Agosto 23.

Wala umanong anumang travel history ang pasyente, tatlong linggo bago nagsimula ang kanyang mga sintomas ng sakit.

Ang dalawang bagong pasyente ay kapwa nagpapagaling na sa kani-kanilang mga tahanan.

Anang DOH, naimpormahan na nila hinggil sa insidente ang mga kinauukulang local government units (LGUs) hinggil sa mga natuklasang kaso ng mpox sa kanilang lugar.

Ang mga LGUs ang may kapangyarihan at awtoridad, sa ilalim ng batas, upang ipabatid sa publiko ang detalyadong impormasyon, kabilang na ang kanilang response action, hinggil dito.

"Heightened surveillance leads to a flashlight effect - our people become more aware and we detect more cases. All are the milder MPXV clade II," ayon naman kay Health Secretary Teodoro J. Herbosa. "The situation strengthens our health system - we can find, test, and treat mpox. We will be ready should clade I get here."