Masayang ibinahagi ni Vice President Sara Duterte ang isinagawa nilang book reading session sa Davao City para sa kaniyang librong may pamagat na “Isang Kaibigan.”
Sa isang Facebook post nitong Martes, Agosto 27, nagbahagi si Duterte ng isang video kung saan kasama niya ang ilang mga bata sa silid-aklatan ng Davao City sa pagbabasa ng kaniyang libro.
“Masayang-masaya ako na nakasama ang mga batang Dabawenyo mula sa iba’t ibang child centers sa Lungsod ng Dabaw para sa isang book reading session sa Davao City Library noong nakaraang Linggo,” ani Duterte.
“Sabay-sabay naming binasa ang librong aking sinulat na pinamagatang: ‘Isang Kaibigan.’ Sa naturang book reading event ay binigyan ko sila ng tig-iisang kopya nito. Sinulat ko ito upang mahikayat ang mga bata na magbasa at sumulat ng sarili nilang mga libro o kwento,” dagdag niya.
Matatandaang naging usap-usapan ang libro ni Duterte na “Isang Kaibigan” matapos tanungin ni Senador Risa Hontiveros ang bise presidente kung tungkol saan ito sa gitna ng budget hearing ng Senado kamakailan.
MAKI-BALITA: VP Sara, Sen. Risa nagkairingan; hindi maintindihan ugali ng isa't isa
KAUGNAY NA BALITA: TINGNAN: Ano nga ba ang nilalaman ng 'Isang Kaibigan' book ni VP Sara Duterte?