November 26, 2024

Home BALITA National

Trust, approval rating ni PBBM, tumaas; bumaba naman kay VP Sara

Trust, approval rating ni PBBM, tumaas; bumaba naman kay VP Sara
Courtesy: Pangulong Bongbong Marcos at Vice President Sara Duterte/FB

Tumaas ang bilang ng mga Pilipinong nagtitiwala at nasisiyahan sa performance ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. habang bumaba naman ang kay Vice President Sara Duterte, ayon sa inilabas na survey ng OCTA Research nitong Martes, Agosto 27.

Base sa second quarter 2024 “Tugon ng Masa” survey ng OCTA, 71% ng mga Pilipino ang nagtitiwala kay Marcos, habang 65% ang natanggap ni Duterte.

Dalawang porsyento raw ang itinaas ng trust rating ni Marcos mula sa 69% na natanggap niya noong first quarter ng 2024, habang bumaba naman sa tatlong porsyento ang trust rating ni Duterte mula sa 68% noong nakaraang quarter.

Samantala, lumabas din sa pinakabagong survey ng OCTA na 10% ng mga Pinoy ang hindi nagtitiwala sa pangulo habang 19% ang naitalang “undecided.” Nasa 11% naman daw ang hindi nagtitiwala kay Duterte habang 24% ang “undecided.”

National

‘What kind of country is this?’ VP Sara, pinuna ‘di raw pag-aksyon ng gov’t sa banta sa kaniya

Pagdating sa approval rating, inihayag ng OCTA na 68% ng mga Pinoy ang nasisiyahan sa performance ni Marcos, habang 60% ang nasisiyahan sa performance ni Duterte.

Tumaas daw nang 3% ang approval rating ng pangulo mula sa 65% na natanggap niya noong first quarter ng 2024, habang bumaba naman sa 4% ang natanggap ng bise presidente mula sa 64%.

Nakatala rin naman sa pinakabagong survey ng OCTA na 10% ang hindi nasisiyahan sa performance ni Marcos habang 22% ang “undecided.” Nasa 12% naman ang hindi nasisiyahan sa performance ni Duterte habang 28% ang “undecided.”

Isinagawa raw ng OCTA ang naturang second quarter survey mula Hunyo 30 hanggang Hulyo 5 sa pamamagitan ng face-to-face interviews sa 1,200 respondents na may edad 18 pataas. 

Mayroon daw ±3% margin of error ang survey at 95% confidence level.