November 26, 2024

Home BALITA National

Sen. Imee, 'lungkot na lungkot' sa pagkawatak ng BBM-Sara tandem

Sen. Imee, 'lungkot na lungkot' sa pagkawatak ng BBM-Sara tandem
Sen. Imee Marcos, Pangulong Bongbong Marcos at VP Sara Duterte (file photo)

Labis daw na nalulungkot si Senador Imee Marcos sa pagkawatak ng tandem ng kaniyang kapatid na si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. at kaibigang si Vice President Sara Duterte.

Matatandaang sa naging pahayag ni Duterte noong Linggo, Agosto 25, bilang pagkondena sa operasyon ng Philippine National Police (PNP) sa Kingdom of Jesus Christ (KOJC) para hanapin si Pastor Apollo Quiboloy, humingi siya ng tawad lahat ng miyembro ng KOJC dahil hinikayat at pinakiusapan daw niya ang mga ito na iboto si Pangulong Marcos Jr. noong 2022 national elections.

MAKI-BALITA: VP Sara, humingi ng patawad dahil nakiusap siyang iboto si PBBM noong 2022

Kaugnay nito, sa panayam ng mga mamamahayag nitong Lunes, Agosto 26, na inilabas ng ABS-CBN News, sinabi ni Sen. Imee na nalulungkot siya sa naturang pagkawatak-watak ng BBM-Sara tandem na “UniTeam.”

National

‘What kind of country is this?’ VP Sara, pinuna ‘di raw pag-aksyon ng gov’t sa banta sa kaniya

“Sobrang lungkot. Talagang sinabi na nga ni VP Inday na siya'y humihingi ng tawad at nagsisisi sa pagsuporta sa administrasyon,” ani Sen. Imee.

“Ako'y lungkot na lungkot sa pagkawatak-watak ng UniTeam.”

Dagdag pa ng senadora, sana raw ay may magawa pa sila dahil pagkakaisa umano ang solusyon sa mga suliranin ng bansa.

“Sa isipan ko ay ang magiging solusyon sa napakaraming problema ng Pilipinas: magkaisa na lamang ang lahat at tutukan ang problema. Sana may magawa pa tayo,” saad ni Sen. Imee.

Matatandaang sina Duterte at Marcos Jr. ang mag-running mate noong 2022 national elections sa ilalim ng ticket ng UniTeam. Muli namang umusbong ang usap-usapan ng pagkabuwag ng UniTeam matapos magbitiw ni Duterte bilang miyembro ng gabinete ni Marcos at dahil sa hindi niya pagdalo sa naging State of the Nation Address (SONA) nito noong Hulyo.