Agaw-atensyon sa social media ang Facebook post ng netizen na si "Mark Christian Fidelino," isang guro ng asignaturang Araling Panlipunan, matapos niyang ibahagi ang napitikang larawan ng "Family Tree" ng mga dati at kasalukuyang pangulo ng bansa, nang magsadya siya sa booth ng FamilySearch sa naganap na kauna-unahang HISTOEX: History to Experience sa Gateway 2 Quantum Skyview noong Agosto 23 - 25, 2024.
Ang gawaing ito ay pakikiisa sa pagdiriwang ng Buwan ng Kasaysayan na may temang "Salaysay ng Bayan, Saysay ng Bansa." na pinangunahan ng National Historical Commission of the Philippines, sa pakikipagtulungan ng J. Amado Araneta Foundation.
Batay sa post ni Fidelino, ang larawan ay mula sa kontrobersiyal na research ni Todd Sales Lucero, isang genealogist, patungkol sa mga pamilyang pinagmulan ng mga naging pangulo ng Pilipinas, hanggang sa kasalukuyang pangulong si Ferdinand "Bongbong" Marcos, Jr.
Kapansin-pansin umano sa family tree na tila may ugnayan ang mga naging pangulo ng bansa, na nakaugat kay Jose Araneta.
"Heto na nga mga bes, 2 years ago nang maging trending itong kontrobersyal na Family Tree ng mga Presidente," saad ni Fidelino sa kaniyang post.
"Bakit naman kontrobersyal? Eh eto ba namang si Todd Sales Lucero, isang genealogist, sa kanyang ginawang research sa mga pamilyang pinagmulan ng ating mga Presidente, kapansin-pansin na magkakaugnay sila."
"Kung titignan ang buong Family Tree, parang lahat ng naging Presidente ay nasa ilalim ng iisang pamilya. Iyong iba kaya naiugnay sa bawat isa dahil sa mga nabuong pamilya dahil sa kasal at sa mga malalayong kamag-anak na magkakaugnay dahil sa mga kalolo-lolohan."
"Grabe no? Kung iisipin, isang pamilya lang pala namumuno sa'tin. Daig pa ang British Royal Family. Grabe na bes!!!"
"Ang Family tree na ito ay mula sa FamilySearch, isang website at organisasyon ng The Church of Jesus Christ of Latter-day Saints. Ang FamilySearch ang pinakamalaking genealogy organization sa buong mundo," paglilinaw pa ni Fidelino.
Heto na nga mga bes, 2 years ago nang maging... - Fdlno MChristian | Facebook
Sa eksklusibong panayam ng Balita kay Fidelino, siya raw mismo ang kumuha ng larawan gamit ang kaniyang cellphone nang magtungo siya sa HISTOEX.
"'Yong picture po galing po mismo sa booth ng FamilySearch sa naganap na kauna-unahang HISTOEX," aniya.