Mainit na sinalubong ng mga senador si dating Vice President Leni Robredo sa kaniyang naging pagbisita sa Senado nitong Martes, Agosto 27.
Base sa post ng Senate of the Philippines, sinamahan ni Robredo sa Senado ang mga delegado ng Sangguniang Kabataan (SK) Naga City para sa isang “familiarization tour.”
Makikita naman sa post ng Senado ang isang larawan ng mainit na pagsalubong ni Senate President Francis “Chiz” G. Escudero sa dating bise presidente ng bansa.
Sa pakikipagpulong naman daw ni Escudero sa mga kasama ni Robredo na SK delegates, hinikayat niya ang mga itong magsagawa ng mga inisyatibong magbibigay ng pangmatagalan at magandang epekto sa kanilang komunidad.
“Escudero emphasized the importance of innovative and sustainable initiatives that could foster community development and improve the overall quality of life for residents.”
Samantala, inihayag ni Senador Risa Hontiveros ang kaniyang pagkatuwa na makasama si Robredo sa Senado.
“Welcome to the Senate, Atty. Leni Robredo! Welcome din sa mga mahuhusay na SK ng Naga! Happy!” ani Hontiveros sa kaniyang post kalakip ang larawan nila ni Robredo.
Maging si Senador Bong Revilla ay nagbahagi rin ng ilang mga larawan kasama si Robredo. Makikita rin sa isang larawang ibinahagi ni Revilla ang pag-uusap nila ng dating bise presidente, kasama sina Hontiveros at Senador Joel Villanueva.
“Nagsadya po sa Senado si Former Vice President Atty. Leni Robredo upang samahan ang mga delegado ng Sangguniang Kabataan mula sa Naga City,” ani Revilla sa kaniyang post.
“Mainit silang tinanggap ng buong Senado at binigyang-halaga ang kanilang papel na ginagampanan sa lipunan hindi lamang bilang katuwang ng ating pmahalaan, kundi bilang mga susunod na lider ng bayan,” saad pa niya.
Si Robredo ang nagsilbing bise presidente ng bansa mula 2016 hanggang 2022.
Matatandaan namang kamakailan lamang ay inihayag niya ang kaniyang planong tumakbo bilang alkalde ng Naga City, sa halip na senador, sa 2025 elections.
MAKI-BALITA: Robredo, ipinaliwanag dahilan ng hindi niya pagtakbo bilang senador sa 2025