Nanawagan si Sen. Imee Marcos kay Kingdom of Jesus Christ (KOJC) founder at tinaguriang "appointed Son of God" na si Pastor Apollo Quiboloy na matiwasay na lamang itong sumuko sa kapulisan, na halos tatlong araw nang nasa compound upang halughugin ito at isilbi ang warrant of arrest.
Ayon sa media conference na dinaluhan ni Sen. Imee habang nasa Plaridel, Bulacan, na iniulat din sa ABS-CBN News, maging siya ay naniniwalang hindi katanggap-tanggap ang pagsisilbi ng warrant of arrest kay Quiboloy dahil tila nadadamay ang mga miyembro ng KOJC.
Saad ng senadora, alam niyang kayang-kaya ni Quiboloy at ng kaniyang mga abogado na ipagtanggol ang kaniyang sarili kaya sana raw ay sumerender na lamang ito nang maayos.
"Well, ang pagkaalam ko ay talagang hindi ganiyan ang pagsisilbi ng warrant of arrest, kaya labis-labis ang pangyayari, na libo-libo [pulis] ang ipinadala ro'n. Eh palagay ko, kayang-kaya naman ni Pastor [Quiboloy] ang sarili niya, kasama ng kaniyang mga abogado, kaya hayaan na natin at kausapin natin ang tropa nila, na sana, sumurender na lang nang maayos," giit ng senadora.
Sa kabilang banda, sinabihan din ng senadora ang kapulisan na hindi nakatutulong ang kanilang sistema ng pagdakip kay Quiboloy.
Inilarawan ito ni Sen. Imee na "masyado talagang marahas."
"At the same time, 'yong ating kapulisan, hindi nakakatulong 'yong ah... sistemang ganito, na masyado talagang marahas.