Mariing pinasinungalingan ng Police Regional Office (PRO)-Davao na tinaniman nila ng ebidensya ang isang miyembro ng Kingdom of Jesus Christ (KOJC) na inaresto matapos umanong atakihin ang anim na pulis sa loob ng compound sa Davao City.
Sa isang pahayag nitong Lunes, Agosto 26, ibinahagi ng PRO-Davao na nakarating sa kanila ang umano’y kumakalat na tinaniman lamang ng pulis ng ebidensya ang isang naarestong miyembro ng KOJC.
“PRO 11 would like to clarify that no planting of evidence occurred,” giit ng PRO-Davao.
Binanggit din ng pulisya na anim sa miyembro ng kanilang Civil Disturbance Management (CDM) team ang nasugatan nitong Linggo, Agosto 25, matapos silang pagbabatuhin at atakihin gamit ang 12 pulgadang kutsilyo ng naturang miyembro raw ng KOJC na may alyas na “Gene.”
“The said person inflicted wounds on different parts of the bodies of the six CDM members, who were immediately given attention by the Regional Health Service 11 and transported to Camp Sgt. Quintin M. Merecido Hospital for medical treatment,” anang PRO-Davao.
“PRO 11 is dedicated to its efforts in law enforcement. And despite the attempts of a few individuals to make false accusations and fabricate stories against the organization, PRO 11 remains steadfast in upholding the law with integrity and professionalism,” saad pa nito.
Matatandaang nitong Sabado, Agosto 24, nang simulang pasukin ng nasa 2,000 Police (PNP) personnel ang compound ng KOJC upang isilbi ang arrest warrant ni Pastor Apollo Quiboloy at mga kapwa-akusado nito.
MAKI-BALITA: 2,000 pulis, hinalughog KOJC compound para kay Quiboloy
Nito lamang namang Linggo ng gabi nang ihayag ni Philippine National Police (PNP) Chief Rommel Marbil na natukoy na ng pulisya ang kinaroroonan ng pastor at mga kasama nito.
MAKI-BALITA: Kinaroroonan ni Quiboloy, tukoy na ng pulisya! -- Marbil
Kasalukuyang nahaharap si Quiboloy sa kasong “ANTI-TRAFFICKING IN PERSONS ACT OF 2003 (RA9208 AS AMENDED BY RA 10364), REPUBLIC ACT 7610 (SPECIAL PROTECTION OF CHILDREN AGAINST ABUSE, EXPLOITATION, AND DISCRIMINATION ACT), AND CONTEMPT OF COURT.”