November 26, 2024

Home BALITA National

KMP chair Ramos, nais pamunuan komite ng agri kapag naging senador

KMP chair Ramos, nais pamunuan komite ng agri kapag naging senador
(Photo: MJ Salcedo/Balita)

Bilang apat na dekada nang nasa larangan ng pagsasaka, ipinahayag ni Kilusang Magbubukid ng Pilipinas (KMP) Chairperson Danilo “Ka Daning” Ramos na kapag nanalo siyang senador sa 2025, nais niyang magsilbi bilang chairperson ng Senate Committee on Agriculture, Food and Agrarian Reform—ang komite na kasalukuyang pinamumunuan ni Senador Cynthia Villar.

Sinabi ito ni Ramos sa isinagawang pagtitipon ng mga progresibong grupo sa Liwasang Bonifacio nitong Lunes, Agosto 26, kung kailan inanunsyo na rin ng Makabayan Coalition ang kanilang full senatorial slate sa 2025 midterm elections.

MAKI-BALITA: Makabayan Coalition, pinangalanan na kanilang 10 senatorial bets sa 2025

Sa kaniyang talumpati bilang isa sa mga senatorial bets ng Makabayan Coalition, inilahad ni Ramos ang pang-araw-araw na suliranin at danas nilang mga magsasaka na walang sariling lupa, tulad ng pagbebenta ng kanilang inaning palay sa napakaliit na halaga.

National

‘What kind of country is this?’ VP Sara, pinuna ‘di raw pag-aksyon ng gov’t sa banta sa kaniya

Kaugnay nito, pinuna ni Ramos ang pagiging tagapangulo ni Villar ng Senate Committee on Agriculture, Food and Agrarian Reform at Senate Committee on Environment, Natural Resources, and Climate Change dahil hindi naman daw nito alam ang tunay na danas sa sektor ng agrikultura.

“Ano si Cynthia Villar? Real estate business [woman],” pagbibigay-diin ni Ramos.

“Kaya nagpasya ako, tinanggap ko ang hamon [na tumakbong senador] para maging kinatawan nito. Tingin ko, si Ka Daning, sa apat na pung taon kong karanasan at pagpunta sa Luzon, Visayas at Mindanao, tiyak na alam ko ang problema, hinaing ng mga magsasaka at solusyon,” dagdag pa niya.

Samantala, iginiit din ng tagapangulo ng KMP na dalawa ang kasalukuyan nilang panawagan sa pamahalaan: lupa para sa magsasaka at pagpapalakas sa lokal na produksyon ng pagkain. 

“Isusulong ko ang interes ng magsasaka, food producers, mga sakada, at ng taumbayan,” saad ni Ramos.