November 22, 2024

Home FEATURES BALITAnaw

'History is like tsismis?' Ilang intriga at kontrobersiya sa buhay ng mga bayaning Pilipino

'History is like tsismis?' Ilang intriga at kontrobersiya sa buhay ng mga bayaning Pilipino

Ipinagdiriwang ngayong Lunes, Agosto 26, ang Araw ng mga Bayani.  Nagsimula ito noon pang panahon ng mga Amerikano sa Pilipinas noong 1931.

Isinasagawa ang nasabing pagdiriwang tuwing huling Lunes ng Agosto upang parangalan at kilalanin ang mga personalidad—may pangalan man o wala—na nagbuwis ng kanilang buhay, talino, at husay para sa bayan.

Madalas na ituring ng marami ang mga bayani na parang Diyos o kung hindi ma’y santo na halos walang bahid o dungis ng anomang kasalanan. Sila ang epitomiya ng kadakilaan at kagitingan. Dangal ng lahi kung tutuusin. Sa mahabang panahon ay ganito itinanim ng sistema ng edukasyon ang kanilang imahe. 

Kaya naman hindi nakapagtataka na may mga nadidismaya kapag nakapanood ng isang historikal na pelikula at iba ang itinatampok na naratibo kumpara sa kung ano ang napag-aralan sa klase. Pero kailangang maunawaan ng sinoman na sila ay tao muna bago pa man sila tawaging bayani. 

BALITAnaw

BALITAnaw: Ang ika-11 taong paggunita sa pagtama ng bagyong Yolanda

At narito ang ilang mga umano’y intriga at kontrobersiya sa buhay ng ating mga bayani upang higit natin silang makilala lampas sa halos perpekto nilang imahe.

1. Si Rizal bilang sugarol

Mahirap paniwalaan kung tutuusin na ang bayaning tulad ni Jose Rizal ay nagsusugal. Simula pa lang kasi ay nakatanim na sa isip ng maraming Pilipino na siya ay larawan ng kadakilaan. Nakakabit sa kaniyang pangalan ang mga taguring tulad ng “The Great Malay,” “The First Filipino,” “Kristong Kayumanggi” at “Pambansang Bayani (bagama’t walang opisyal na proklamasyon hinggil dito).”

Sa librong “Hu U Rizal?” ni Jun Cruz Reyes, ipinakita roon na minsan sa buhay ng bayani ay nahumaling din siya sa sugal. May isang pagkakataon na noong nag-aaral siya sa Maynila ay natuklasan ng tatay niyang si Francisco Mercado ang tungkol dito. Pinagalitan siya nito at ang kasera o landlady na nag-udyok sa kaniya.

Pero mukhang may pinatunguhan naman ang pagtaya-taya ni Rizal. Noong 1892 kasi ay isa siya sa tatlong nanalo sa spin-based lottery ng jackpot prize na nagkakahalaga umano ng ₱20,000. 

Sa panayam ng GMA Integrated News kay Dr. Jimmuel Naval, historyador at eksperto sa kulturang popular, ipinambili umano ni Rizal ng lupa ang perang napanalunan at ang kalahati ay ibinigay niya sa tatay niya.

Totoo nga ang sabi ni Reyes sa libro niya: “Sa dulo, ano mang Rizal ang pag-usapan natin, makaka-relate tayo sa kanya. At doon tayo aangkla. Ibig sabihin, laging may isang katauhan si Rizal na nasa atin. Batang spoiled, binatilyong mabaliw-baliw. Aktibista. Rebolusyonaryo. Repormista. Higit sa lahat isang taong nagtatanong, nagdedekolonisa."

Kung tataya kaya si Rizal sa lotto ngayon, mananalo rin kaya siya at magiging instant milyonaryo?

2. Juan Luna, tinodas ang biyenan at asawa

Karamihan umano sa mga manlilikha ay may “topak.” Sabi nga: “an artist has been defined as a neurotic who continually cures himeself with his art.” At pwede sigurong sabihin na kabilang dito ang dakilang pintor na si Juan Luna.

Sa isang eksena sa pelikulang ‘Heneral Luna” ni Jerrold Tarog noong 2015, pahapyaw na naungkat ang tungkol sa asawa ni Juan na si Paz Pardo De Tavera nang magkaroon ng mainit na diskusyon sina Felipe Buencamino, Sr. at Antonio Luna.

“Talagang nasa lahi n'yo ang traydor at duwag," mariing sambit ng heneral.

Siyempre, hindi nagpadaig si Buencamino. Buwelta niya: "Magkapareho lang kayo ng kapatid mong si Juan. Kung nasa Pilipinas lang siya, binitay na siya dahil sa pagpatay niya sa kaniyang asawa. Kaya totoo rin ang pangalan n'yo. Luna. Lunatiko!”

Ayon sa kuwento, selos umano ang ugat kung bakit nagawa ni Juan ang kahindik-hindik na krimen kay Paz. Simula kasi nang mamatay ang bunso nilang anak, nagbago umano ang ugali ni misis. Madalas mag-ayos at magsuot ng magagarang damit. Naghinala tuloy si Juan na may kabit si Paz. Hanggang dumalas ang mga away at sakitan.

At noong Setyembre 22, 1892, sinadya ng ina at mga kapatid ni Paz sa tinutuluyan ng mag-asawa si Juan para kausapin umano. Kasama ng mga ito ang abogadong si Antonio Regidor–na bet pala ng ina ni Paz para sa anak, ayon mismo sa kuwento ng apo sa tuhod ni Paz na si Mara. 

Kaya nang matuklasan ni Juan ang tungkol dito, uminit ang ulo ng pintor. Tila nawala sa sarili. Kumuha ng baril at unang pinaputukan ang biyenan saka isinunod ang misis.

Pero kalaunan, napawalang-sala si Luna nang litisin sa France. Galing daw kasi sa hindi sibilisadong bansa ang nasasakdal at nagawa lang umano ang naturang krimen dahil sa selos. 

3. How true? Mabini, nilumpo raw at kinitil ng STD

Tinagurian si Mabini bilang “The Sublime Paralytic” dahil sa kabila ng kapansanan ay nagawang makapag-ambag sa bayan. 

Siya lang naman ang humulma umano sa Republika ng Pilipinas. Kaya ayon nga sa panukala ng historyador na si Jose Victor Torres, higit na tamang ituring si Mabini bilang “Ama ng Pamahalaang Konstitusyonal” o "Ama ng Ugnayan Panlabas” kaysa “Utak ng Rebolusyon.”

Pero sino ang mag-aakala na ang dakilang personalidad sa kasaysayan na tulad ni Mabini ay mababahiran ng intriga na nagkaroon umano ng sexually transmitted disease (STD) kaya siya nalumpo at kalaunan ay namatay?

May ilang nagsulputang bersyon ng mga kuwento kung saan umano nakuha ni Mabini ang naturang sakit. Sabi ng iba, posible raw na nakuha ito ng bayani sa mga babaeng nakasalamuha nito sa iba’t ibang salusalo. Kaso, hindi naman daw mahilig gumimik si Mabini tulad ng isang tipikal na kabataan. 

Ang isa pang bersyon ng kuwento, nakuha raw niya ang sakit sa maruming tubig na tumalsik sa kaniya dahil sa pagpadyak ng kabayo nang minsan niya umanong tinulungan ang isang babae. May tsismis pa umano na baka dahil ito sa anak na babaeng ipinambayad sa kaniya ng isang pamilya. 

Pero ayon sa historyador na si Lito Nunag, walang katotohanan umano ang lahat ng bersyong ito ng kuwento tungkol sa pagkakaroon ng STD ng dakilang lumpo. Ipinakalat lang umano ito ng mga kalaban ni Mabini sa politika para sirain siya.

Sa opisyal na tala ng mga dalubhasa, cholera umano ang kumitil sa buhay ni Mabini noong Mayo 13, 1903 dahil sa panis na gatas ng kalabaw na ininom niya. At nang hukayin ang kaniyang buto noong 1980, natuklasang polio umano ang sanhi ng kaniyang pagkalumpo.

4. Aguinaldo, mamamatay ng kapuwa Pilipino?

Matagal nang may masamang impresyon kay Emilio Aguinaldo sa kasaysayan. Lalo pa itong tumindi nang ipalabas ang pelikulang “Heneral Luna.” Sa pelikula kasi ay ipinapahiwatig na may kinalaman siya sa pagkamatay ni Antonio Luna.

At kamakailan nga ay muling napag-usapan ang tungkol dito nang “ibalita” ng isang netizen na nagngangalang “Pepe Alas” ang pagsisiwalat umano ng historyador na si Ambeth Ocampo tungkol sa tunay na pumaslang kay Luna.

Aniya sa post: “BREAKING NEWS: Ambeth R. Ocampo reveals at the GSIS Historians' Fair that it was actually Emilio Aguinaldo's mother (Trinidad Famy de Aguinaldo) who ordered the assassination of Antonio Luna!”

Ngunit may ibang testamento ang ilang nakapanood sa talk ni Ocampo sa GSIS Museo ng Sining. Ayon sa Facebook post ni Ericka Buenaflor, wala umanong deklarasyon ang historyador na si Trinidad talaga ang salarin.

“There wasn’t actually a declaration earlier that it was indeed the mother of Aguinaldo who ordered the assassination of General Luna in Cabanatuan. Prof. Ambeth only spoke from the sources that he has and connected it with each other to form a claim,” saad niya.

Dagdag pa niya: “What Prof. Ambeth said earlier is a matter of historical interpretation; not a declaration or a ‘revelation’ of a newly discovered perfect piece of our past.”

Matapos ito ay humingi naman ng paumanhin si Pepe dahil sa padalos-dalos niyang paglalahad. 

Pero kung uugatin ang pinagmulan ng antagonistang pagtingin kay Aguinaldo, maaaring sabihing nag-umpisa ito nang ipapatay niya ang magkapatid na Andres at Procopio Bonifacio matapos litisin sa salang treason.

Ayon kay Dr. Augusto Deviana: “Mismong inamin ni Aguinaldo sa kaniyang memoirs na si Bonifacio ay ang taong ipinapatay niya kasi, kung hindi, malamang siya ang mamatay.” 

5. Manuel Quezon, rapist daw?

Ayon sa mga historyador, bagama’t parehong guro ang magulang, nagmula si Quezon sa simpleng pamumuhay sa bayan ng Baler. 

May mga araw na sila rin ay kinakapos. Pero ang determinasyon at dedikasyon, laging naroon sa kaniyang pagkatao. Kaya hindi nakapagtatakang nakapagtapos ng summa cum laude sa University of Santo Tomas 

Nang sumiklab ang digmaang Pilipino-Amerikano noong 1899, pansamantala niyang kinalimutan ang mga personal na hangarin. Tumigil sa pag-aaral ng abogasya para sumapi sa armadong pakikibaka.

Saka lang bumalik nang mabigo ang rebolusyon. Ipinasa ang bar exam. Pinasok ang masalimuot na mundo ng politika. Naging piskal. Gobernador. Kongresista. Senador. Hanggang sa maging kauna-unahang pangulo ng pamahalaang Commonwealth. At mula noon, unti-unting lumikha ng mga pagbabago 

Pero sa kabila ng kaniyang mga tagumpay at kapangyarihang natamo, sinong mag-aakala na ang pagiging magandang lalaki niya at mestiso ang magagamit niyang benepisyo sa panahon ng kagipitan? 

Ayon kasi sa kuwento, nakasuhan umano ng rape si Quezon noong piskal pa lamang siya. 

“This happened around February 1904 when certain Tomasa Alcala was 17-years old at that time. [She] accused Quezon of rape,” saad ni Jose Victor Torres.

Hinarap naman ni Quezon ang isinampa sa kaniyang reklamo. Sa katunayan, siya raw mismo ang nagtanggol sa kaniyang sarili sa harap ng korte.

At ayon kay Torres, ganito raw ang depensa ni Quezon: “Sinabi niya ‘with this kind of face, do I need to rape someone?’ At matapos niyang sabihin ‘yon…the case was eventually dismissed.”

Pero higit pa sa mga kontrobersiya at intrigang ito, mapagtanto sana natin na, tulad nila, puwede rin tayong “lumikha ng magigiting na sandali” sa kabila ng mga nakatagong kalansay sa aparador ng ating mga pagkatao.