Nanawagan si Senador Ronald “Bato” dela Rosa kay Pastor Apollo Quiboloy na sumuko na dahil hindi naman daw ito makapagtatago habambuhay.
Matatandaang nitong Sabado, Agosto 24, nang simulang pasukin ng nasa 2,000 Police (PNP) personnel ang compound ng Kingdom of Jesus Christ (KOJC) sa Davao City upang isilbi ang arrest warrant ni Quiboloy at mga kapwa-akusado nito.
MAKI-BALITA: 2,000 pulis, hinalughog KOJC compound para kay Quiboloy
Sa isang panayam kay Dela Rosa habang nasa labas ng compound ng KOJC nito ring Sabado, sinabi ni Dela Rosa na mas mabuting magpaaresto na si Quiboloy.
“Yes, kasi mayroon namang warrant talaga galing sa Korte. He cannot hide forever,” ani Dela Rosa.
“Saka kawawa rin 'yung mga tao natin dito [sa KOJC] na nagsasakripisyo dahil sa kakahanap sa kaniya,” dagdag niya.
Samantala, binigyang-diin din ng senador na wala naman daw magagawa kung ayaw ng pastor na sumuko.
“'Yun lang naman sa akin. Kung ayaw niya, wala tayong magagawa. It’s his call. Sa akin lang, kung puwede, mas maganda sana,” saad ni Dela Rosa.
Kasalukuyang nahaharap si Quiboloy sa kasong “ANTI-TRAFFICKING IN PERSONS ACT OF 2003 (RA9208 AS AMENDED BY RA 10364), REPUBLIC ACT 7610 (SPECIAL PROTECTION OF CHILDREN AGAINST ABUSE, EXPLOITATION, AND DISCRIMINATION ACT), AND CONTEMPT OF COURT.”
KAUGNAY NA BALITA: Mga pulis, gumamit ba ng 'puwersa' dahil Duterte-supporter si Quiboloy? -- VP Sara